Abante Tonite Interactive

Vlogger Marcos papaulanan ng kaso ng NBI

0 576

Sasampahan pa ng mga karagdagang kaso ng National Bureau of Investigation (NBI) ang inarestong self-proclaimed philanthropist at online personality na si Norman Mangusing o mas kilala bilang si Francis Leo Marcos.

Nabatid na dalawa sa isasampang kaso ay walang piyansa.

Ayon kay NBI Cybercrime Division chief Vic Lorenzo, nadagdagan pa ang mga kaso laban kay Mangusing, na kasalukuyang nakakulong sa kanilang detention facility, dahil sa patuloy na pagsisiyasat ng ahensya laban kay Mangusing.

“Apart from possible case of falsification of documents, Mangusing is also facing non-bailable cases such as large-scale estafa and qualified human trafficking,” sabi ni Lorenzo.

Marami na umano ang nagluntangang complainant para maghain ng kaso laban kay Mangusing.

Ihaharap ngayon si Mangusing sa inquest proceedings para sa mga nabanggit na kaso, ayon kay Lorenzo.

Sinabi pa ni Lorenzo na iniimbestigahan na rin ang mga pag-aaring malalaking bahay at mga mahahaling sasakyan na ipinagmamalaki ni Mangusing sa social media.

Ayon kay Lorenzo, walang rekord kung anong negosyo mayroon si Mangusing.

“Those real estate properties and luxury cars were not under his name, no business under his name, even as simple as the DTI permit,” sabi ni Lorenzo.

Naghain na aniya si Mangusing ng piyansa na kabuuang P30,000 para sa kasong paglabag sa Optometry Law at violence against women subalit mananatili ito sa detensyon ng NBI dahil sa iba pang kaso laban sa kanya na walang piyansa.

Nabatid kay Lorenzo na isinailalim sa pagsisiyasat ng NBI si Mangusing dahil na rin sa kahilingan ng mga residente sa Green Meadows, Quezon City kung saan ito diumano nakatira.

“May mga nag-file sa kanya ng request for investigative assistance against nga kay Marcos,” ani Lorenzo.

Noong nakaraang taon, ayon kay Lorenzo, ay nakatanggap din ng kahilingan ang NBI mula sa pamilya ni dating Pangulong Ferdinand Marcos para imbestigahan si Mangusing na nagpapakilala bilang si Francis Leo Marcos.

Sa isinagawa aniyang background check ng mga imbestigador ng NBI, nadiskubre na mayroong warrant of arrest laban kay Marcos at dalawang iba pa na inisyu ng Baguio City Regional Trial Court Branch 60 noong Pebrero 14, 2018 dahil sa paglabag sa Revised Optometry Law of 1995.

Kinilala ang dalawang kapwa akusado ni Mangusing sa naturang kaso na sina Hector Sulit at Leonila Avila Vera.

Ayon pa kay Lorenzo, inamin din ni Mangusing na may dalawa siyang passport na magkaiba ang pangalan.

“We are also investigating how he was able to get these passports, and the process involved to acquire the document,” sabi ni Lorenzo. (Nancy Carvajal)

Tonite – Wendys Inhouse Ad