Abante Tonite Interactive

Volcano monitoring chief Bornas singgaling ni Punongbayan

295

Kasabay ng biglaang pag-alburuto at pagsabog ng Bulkang Taal ay pumailanlang din ang katanyagan ni Maria Antonia Bornas, ang hepe volcano monitoring division ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Dahil sa maayos at napakalinaw na paliwanag ni Bornas sa kanyang mga panayam sa radyo, telebisyon at mga pahayagan, marami ang humanga sa kanya at sinasabing siya ay katumbas at kasing galing ng namayapang si Dr. Raymundo Santiago Punongbayan, da­ting director ng Phivolcs.

Si Bornas na matagal ding nanahimik gaya ng kanyang mga pinag-aaralang galaw o aktibidad ng mga bulkan, tila sumabog din at nag-aalburuto habang hinihimay-himay sa kanyang mga interview ang biglaang pagsabog ng Taal na mabilis at diretso namang nasasagot.

Matapang din niyang sinagot ang mga akusasyon, hamon at banta ng ilang mga mambabatas, kritiko at politiko na sila ay kakasuhan dahil sa hindi agarang pagbibigay ng impormasyon kaugnay sa biglaang pagputok ng Taal Volcano.

Magugunitang si Dr. Raymundo Santiago Punongbayan, da­ting director ng Phivolcs ay nagsilbi mula 1983 hanggang 2002.

Si Punongbayan ay naging popular sa dalawang kalamidad na naipaliwanag nitong mabuti,t ang 1990 Luzon earthquake at ang 1991 Pinatubo eruption. Nasawi ito sa helicopter crash sa Nueva Ecija noong 2005. (Dolly Cabreza)