Abante Tonite Interactive

Volleyball coach wanted sa rape

By
5,624

Nainip na sa mabagal na pagkilos ng hustisya para sa kanilang anak kung kaya’t nag-alok ng P100,000 pabuya ang pamilya ng 12-anyos na dalagitang ilang beses diumanong ginahasa ng dati nitong volleyball coach sa Marikina City para maaresto ang suspek.

Pakiusap ng pamil­ya ng biktima sa publiko na sakaling may impormasyon tungkol sa kinaroroonan ng suspek na si Dennis Laping ay agad itong ipagbigay-alam sa kanila sa contact nos. 0945-463-6430.

Si Laping ay nahaharap sa dalawang kaso ng statutory rape sa Antipolo Regional Trial Court at Marikina Regional Trial Court at qualified seduction sa Marikina RTC.

Base sa salaysay ng pamilya, Abril 2017 nang maaresto si La­ping sa isang entrapment operation dahil sa ginawang krimen subalit kalaunan ay nakalaya rin ito at hindi na matunton ng mga awtoridad.

Sa pagitan umano ng Pebrero at Abril noong 2017, mahigit 10 beses na ginahasa ng volleyball coach ang biktima. Sabi ng biktima, hinahalay pa siya ni Laping bago ang training.

Ilang ulit din umano itong dinala at ginahasa sa isang motel sa Antipolo. Matapos gahasahin, pinaiinom pa umano ng suspek ang biktima ng walong tableta ng contraceptives.

Kuwento ng ina ng biktima, nabasa nito ang mga text message sa pagitan ng kaniyang anak at ng suspek.

Umamin ang biktima, na dalawang taon nang varsity player ng volleyball, na may nangyari sa kanila ng kaniyang coach.

Madalas pa umanong nangyayari ang panghahalay sa loob ng sasakyan ng suspek bago ang mismong pagsasanay.

Masama rin ang loob ng mga magulang ng biktima sa pamunuan ng paaralan dahil sa pagpapabaya umano nitong lumabas ang biktima kasama ang suspek.