Abante Tonite Interactive

Vote buying at VCM

0 204

Boyet Jadulco

Dalawa ang word of the day nitong Lunes, Mayo 13. Ito ay ang vote buying at ang vote countin­g machine (VCM). Ilang araw nang nababalita ang mga nahuling bumibili ng boto at nagpatuloy ito hanggang sa mismong araw ng halalan.

Matagal nang nangyayari sa bansa ang bilihan ng boto. Ika nga ni Pangulong Rodrigo Duterte, bahagi na ito ng halalan sa bansa. Ang kaibahan lang ngayon, marami ang nahuhuling bumibili ng boto.

Abante Hiring – IT dep

Ang masaklap nito, wala namang nakukulong na politiko sa pagbili ng boto.

Ang pangkaraniwang nakukulong ay ‘yung mga taong inutusan para mamakyaw ng boto. Marami din ang tumatanggap ng pera kapalit ng boto. Sa hirap ng buhay ngayon, marami sa mga Pinoy ang pumapatol kahit sa halagang P500.

Isa pa sa bukambibig ngayong halalan ay ang mga pal­yadong VCM. Personal kong naranasan ang a­berya ng vote counting machine noong 2016 elections nang pumila ako ng tatlong oras dahil sa naglolokong makina. Nabilugan ko na ang mga kandidatong ibinoto ko pero nang isubo na ito sa VCM, ayaw pumasok. Pinaiwan na lang ang aking balota at ang iba pang mga bumoto para subukang ipasok muli kinahapunan o kaya ay kung dara­ting ang replacement na makina.

Sa tala ng Co­melec, umaabot lang daw sa 125 makina ang pumalya noong 2016 kumpara sa tinata­yang 600 sa halalan nitong Lunes. Depensa pa ni Co­melec spokesperson James Jimenez, maliit na bilang lamang ito kumpara sa kabuuang 85,000 makina na nakakalat sa buong kapuluan.

Maliit nga ang 600 VCM kumpara sa 85,000. Pero sa isang VCM, ilang polling precinct ang sakop nito. Sa 100 botante lamang, umaabot sa 60,000 katao ang uminit ang ulo dahil sa palyadong VCM. Isa sa nag-init ang ulo kahapon ay si da­ting Vice-President Jejomar Binay na tumatakbo bilang kongresista ng Makati City.

Naalala ko tuloy ‘yung nangyari noong 1992 presidential elections nang manalo ang noon ay si da­ting Defense Secretary Fidel V. Ramos. Sa isinagawang canvassing ng Kongreso, pala­ging inirereklamo ang snopake o correction sa mga certificate of canvass (COC).

Noong 2004 elections naman, naging bukambibig ang ‘noted’ ni Senador Francis ‘Kiko’ Pangilinan. Halos lahat kasi ng reklamo ng kampo ng yumaong action king Fernando Poe Jr. hinggil sa mga discrepancy sa COC, ‘noted’ lang ang sagot ng esposo ni Mega Star Sharon Cuneta. Sa 2022 elections naman kaya, anong salita ang madalas na bibigkasin.