Abante Tonite Interactive

Vote buying kaya bang awatin?

386

Aileen Taliping

Habang papalapit ang eleksyon ay lalong umiinit ang labanan ng mga kandidatong naglalaban sa inaambisyong mga puwesto.

Kanya-kanyang gimik ang mga kandidato para makuha ang boto ng mga tao gaya ng pumumudmod ng mga bagay na ikatutuwa ng mga botante.

Pero ang talagang pinakaaabangan ng mga botante nga­yong iilang araw na lamang bago ang takdang eleksyon ay kung sino sa mga kandidato ang pinaka-galanteng mamigay at mamudmod ng pera.

Bagama’t may babala ang Commission on Elections (Comelec) na bawal ang vote buying­, may mga politiko pa ring ayaw paawat dahil hindi naman ito ang unang pagkakataon na nagbabala ang komisyon.

Ilang nagdaang eleksyon na ang ganitong babala ng Come­lec pero wala namang nakitang nakulong o naparusahang kandidato na namili ng nga boto o kaya botante na tumanggap ng salapi kaya malakas ang loob ng mga politiko na gawin ang “dating gawi” para manalo.

Kung talagang may kamay na bakal ang Comelec, dapat ngayon pa lang ay simulan na ang panghuhuli ng mga kandidatong namimili ng boto dahil lantaran na ngayon kung suhulan ang mga botante.

Kagaya na lamang ng ilang kandidatong tumatakbo sa lokal na puwesto sa isang mala­king lungsod sa Metro Manila na walang takot mamudmod ng tig-dalawang kilong bigas at kalahating dosenang noodles sa mga botante.

Mahaba ang pila at walang takot na makunan ng litrato ang mga tauhan ng kandidato habang ipinapamigay ang galing sa amo.

May isa ring kandidato na nag-viral na sa social media ang pamimigay ng pera sa mga bahay-bahay at nang tanungin ay pondo ito sa Pantawid Pamilya ng gobyerno.

Bakit ngayon lang ibinigay kung kailan kasagsagan ng kampanya? Hindi maiwasang mag-isip dahil itinaon ito sa panahon ng kampanya kung saan hindi ito kayang gawin ng kalabang kandidato.

Pero ito ang mas ma­tindi, ibinulong ng isang matabil na tauhan ng politiko sa isang prime city sa Metro Manila na pinag-standby na ang mga kaalyadong kapitan de barangay para sa gagawing pamumudmod ng pera mula May 10 hanggang bisperas ng eleksyon sa Mayo a-dose kapalit ng katiyakang kay kandidato ang boto ng mga constituent ni kapitan.

O ayan ha, Comelec may tip na sa inyo. Tunugan n’yo na lang kung saan ito sa Metro Manila, paganahin ang inyong mga alipores kung magaling sa intelligence gathering para matukoy kung sino-sino ang mga kandidatong namimili ng boto.

Patunayan nyo na hindi kayo ningas-kugon kaya dapat may masampulan dahil tiyak na hindi papayag ang mga kandidatong matalo lalo na yaong mga politikong masidhi ang pagkahumaling sa kapangyarihan.