Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Vote buying ratratan, 8 bulagta

0 57

Dumanak ang dugo sa huling araw ng kampanya para sa national at local elections.

Bulagta ang apat na lalaki na mga supporter umano ng isang kandidato sa pagka-alkalde habang apat ang sugatan matapos silang pagbabarilin sa Magsingal, Ilocos Sur kahapon ng umaga.

Kinilala ng Ilocos Sur Provincial Police Office ang mga namatay na sina Lerry Pol Harmon Torda, ng Maratubo, Magsingal; Recto Bagani Bacdayan, ng Ayeng, Manado, Abra; Jovito Ramos Tumaneng, retired Philippine Army, ng Barangay Bagut, Dingras, Ilocos Norte; at William Sican Bulil-lit, dating CAFGU at dating barangay chairman din sa Barbaquezo, Carasi, Ilocos Norte.

Base sa ulat ng pulisya, ang mga biktima ay supporter ng mayoralty candidate na si Lorry Salvador.

Sugatan naman sina Alverto Ascueta Bañez, Romnick Villanueva, Teofilo Urro Taasin, at Kenneth Salvador Seatriz, pawa nakatira rin sa nasabing lalawigan.

Samantala, arestado ang mga sinasabing supporter ng mayoralty candidate na si Alfrico Favis na kinilalang sina Minelito Tolentino Oliver, na nahulihan ng baril na caliber .45 pistol, at Eddie Unciano Unso, parehong taga-Magsingal.

Nabatid sa inisyal na imbestigasyon na may nangyayari umanong vote buying sa Barangay Labut sa nasabing bayan kaya nagpunta ang grupo ni Salvador upang tingnan ang alegasyon.

Doon nagpang-abot umano ang grupo ng magkalabang kandidato hanggang nagkaroon ng barilan at namatay agad ang apat na supporter ni Salvador.

Inutos na ni Ilocos Sur Gov. Ryan Singson na imbestigahan ang nasabing pamamaril.

Nagdagdag naman ng puwersa ng kapulisan si Ilocos Sur Provincial Police Office director Col. Wilson Doromal upang magbantay sa nasabing bayan. (Allan Bergonia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.