Abante Tonite Interactive

Vote buying sa Muntinlupa, Malabon: 18 arestado

536

Labingwalong katao ang inaresto ng mga tauhan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) dahil sa vote buying sa magkahiwalay na insidente sa Muntinlupa at Ma­labon City.

Nakakulong ngayon sa NCRPO headquarters sa Camp Bagong Diwa, Taguig City ang 17 katao na inaresto sa Muntinlupa City.

Ayon sa report na natanggap ni NCRPO director Major General Guil­lermo Eleazar, dakong alas-11:00 nang umaga nitong Sabado nang madakip ang mga suspek sa loob ng Minerva Compound, National Road, Brgy. Putatan, Muntinlupa matapos silang makatanggap ng ulat hinggil sa nagaganap umanong vote buying sa naturang lugar.

Nakumpiska ng mga pulis mula sa hindi pa pinangalanang mga suspek ang halagang P45,100 na ang denomination ay nasa tig-P500, P300 at P100, na nakalagay sa mga pu­ting sobre, at listahan umano ng mga botante at mga sample ballot.

Base pa rin sa report ng NCRPO, alas-9:30 nang gabi noong Biyernes ay nadakip naman ang isang nag­ngangalang Joel Adora, 48-anyos, dahil din sa vote buying sa Gov. Pascual Avenue, Brgy. Concepcion, Ma­labon City.

Nagpapatrolya umano ang mga tanod sa lugar nang makatanggap sila ng impormasyon mula sa isang concerned citizen tungkol sa ginagawa ng suspek.

Nakumpiska sa suspek ang 17 piraso ng kulay puting sobre na nag­lalaman ng tig-P300 at mga voting paraphernalia.

Ayon kay Eleazar, ang mga naarestong suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Omnibus Election Code.

Samantala, umaabot na umano sa 49 katao ang naitalang naaresto ng PNP dahil sa pagbebenta ng boto sa iba’t ibang panig ng bansa.

Batay sa report ng National Election Monitoring and Action Center (NEMAC), nasa 15 insidente na ng vote buying ang nahuli at kabilang dito ang 49 kataong naaresto.

Umaabot naman sa 43 ang naitalang insidente ng karahasan na may kaugnayan sa halalan. (Armida Rico/Vick Aquino)