Abante Tonite
Mabilis sa Balita

`VP’ Duterte sa 2022 kinasa

0 259

Nagsama-sama ang mga kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Cebu upang hikayatin siyang tumakbo sa pagka-vice president sa halalang gaganapin sa 2022.

Ayon sa impormasyon, nagkaroon ng pribadong pagpupulong noong Marso 10 ang mga kaalyado ng Pangulo kasama si Energy Secretary Alfonso Cusi, vice chairman ng PDP-Laban, kung saan ay gumawa ng manifesto ang mga miyembro ng partido sa pag-asang pakikinggan ang kanilang panawagan.

Dumalo umano sa pulong ang 18 alkalde, tatlong vice mayor, tatlong kongresista at tatlong board member.

Binunyag ni Cusi na ilang mayor sa Metro Manila na miyembro ng PDP-Laban ay nagpasa na ng resolusyon na nagtutulak kay Pangulong Duterte para tumakbo sa pagka-vice president, na siya aniyang sinundan ng mga opisyal sa Cebu.

Bagama’t hindi naman nakadalo sa pulong si Mayor Edgardo Labella, na isa ring PDP-Laban member sa Cebu, sinabi nitong suportado niya ang manifesto ng kanilang partido, gayundin si Vice Mayor Michael Rama.

Sa ilalim ng batas, hindi na puwedeng tumakbo pa sa presidential election ang isang pangulo na natapos na ang termino pero maaari ito sa mas mababang posisyon sa gobyerno tulad ng senador, kongresista at bise presidente.

SM food to go Banner Ad

Samantala, kinumpirma ni House Deputy Speaker Eric Martinez, na isa sa mga kilalang stalwart ng PDP-Laban, ang naturang pagkilos ng kanyang mga kapartido.

“Yes, there is such a resolution that’s been going around PDP members. It’s going around the country now as PDP members are being consulted,” ayon kay Martinez sa panayam sa radyo.

Sabi ni Martinez, naniniwala sila sa “continuity” o pagpapatuloy ng mga nagawa ng administrasyong Duterte. Bukod dito, nananatili pa rin umanong mataas ang approval rating ni Pangulong Duterte kumpara sa mga nakalipas na presidente ng bansa.

Digong tatanungin ni Roque

Ipinahayag naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque na kanyang aalamin ang posisyon ni Pangulong Duterte sa kagustuhan ng mga kapartido nito na tumakbo siyang vice president.

“I will consult the President about this possibility bagama’t I’ve heard the President say at one point na siyempre, naging presidente na siya, bakit pa siya mag-vice president,” ani Roque.(Issa Santiago/Eralyn Prado/Aileen Taliping)

Leave A Reply

Your email address will not be published.