Abante Tonite Interactive

VP Leni bet sina Piolo, John Lloyd

410

tonite-diva-chronicles-alwin-ignacio

 

Ang diva that you love, itsurang matimtimang panatiko na inantay matapos makapananghalian ang ating Bise Presidente Leni Robredo para sa isang short and sweet chikahan na nangyari mismo sa event hall ng kanyang opisina kung saan inilulunsad ang “Istorya Ng Pag-Asa Film Festival 2019.”

Dahil nga short film ang medium na ginagamit para sa festival bilang catalyst ng pagbabago at pinagkukunan ng pag-asa at inspirasyon, tinanong ang VP nating mahal kung sino muna ang paborito niyang artista.

Paglalahad ni VP Leni, “Growing up, ang mga artistang naglalaban nun, sina Nora Aunor at Vilma Santos. Sila ang fiercest rivals pero wala akong pinili. May pinili lang ako, nu’ng underage na yata ang mga sikat, ‘yung kina Dina Bonnevie, Maricel Soriano at Snooky Serna.”

Ang kanyang pinili, ang Diamond Star kasi, “Para sa akin kasi, she was so authentic.”

Sa mga actor sa kasalukuyan, nahihiyang inamin ni Ginang Robredo na sina Piolo Pascual at John Lloyd Cruz ang kanyang mga hinahangaan.

Ang panonood ng mga Filipino films ang pamamaraan niya para makapag-relax kasama ang kanyang mga anak. May isa siyang anak na mahilig sa Marvel movies pero ang romantic comedy films, ang patok na patok sa kanilang mag-iina.

Ilan sa mga tandang-tanda niya ay ang “How To Be Yours,” “That Thing Called Tadhana,” “Exes Baggage” at sa malapit na hinaharap, nasasabik na siyang mapanood ang “Kita Kita” via Netflix.

Pagtatapat ni VP Leni, “Gusto ko kasi ang mga feel good movies. Ang mga anak ko, iyakin. Ako, hindi, Hindi ko masyadong gusto ang mga heavy drama.”

Sa mga artistang babae, ang labis niyang hinahangaan ay si Bea Alonzo. Sabi ni VP Leni, “Alam ni Bea na fan niya ako.”

Tinanong ko si Gng. Robredo kung papayag ba siyang maging si Alonzo ang gumanap sa kanya kung saka-sakaling may biopic na gagawin, ang kanyang mabilis na reaskyon, “Parang hindi ko naman deserved si Bea. Ang ganda-ganda niya kasi.”

May paborito ba siyang tsitsirya? Napatawa si VP Leni at inamin, “Ang mga staff ko alam na alam na ‘yan. Gusto ko ‘yung Nagaraya, ‘yung kulay green, saka ‘yung Cheetos, ‘yung Jalapeno.”

‘Pag siya naman ay umuuwi sa Bicol at may mga stop over, ang kanyang paboritong travel food ay, “Sa Tiaong, pag nag-stop over kami dun, sa isang fast food joint, paborito ko ‘yung hot fudge sundae saka French fries, tapos ang dip ko, gravy na may asin.”

‘Pag hindi siya sobrang busy, ang ginagawa niya para malibang, “‘Pag may libreng mahabang oras, naglilinis ng bahay. ‘Yun ang de-stressor ko. Gusto ko organized ang lahat.”

Speaking of orga­nisado, walang duda na super organisado ang “Istorya ng Pag-Asa Flm Festival 2019.” Sa March 25 ang deadline para sa pagsusumite ng mga maikling pelikula. Ang application forms at FAQs tungkol sa festival ay puwedeng matunghayan at i-download sa istoryangpagasa.ovp.gov.ph.

Maliban sa karangalan, ang mga winning short films ay maipapalabas bago ang main film feature sa lahat ng mga Ayala Mall Cinemas, may P80K para sa best short film, P50K at P30K para sa second a third best short films.

Mabuhay ka, VP Leni Robredo, dahil nga ang iyong film festival na nagpapakita ng mga natatanging Pilipino na hindi na­ging hadlang ang mga kapighatian at kabiguan para maging matagumpay sa buhay.
***

Dra. Margarita Holmes tinalakay ang sex sa kapwa lalaki

Ang diva that you love, kilig na kilig at kailangan ko pa talagang kurutin ang aking sarili dahil nga hindi ko lang nakapanayam at nakadaupang palad, ang aking growing up idol, si Dra. Margarita Go Singco-Holmes, inimbita akong maging panauhin sa pangmalakasan niyang “Walang Echos” show sa Abante WebTV.
Sino ba naman ako para tanggihan ang akin idolo? Siyempre pa yes na yes agad ang aking tugon sa kanyang imbitasyon at ang nakakakili­ting paksang aming tinalakay ay tungkol sa men who have sex with men.
Ipapalabas sa Huwebes, 6pm., sa true lang, bitin na bitin ang 30 minutos para talakayin ang isang nagbabagang paksa. Hindi tuloy sapat ang aking cerebral orgasm, Doc Margie. Hahahhaha!
Ang buhay ko bilang bakla, dahil sa aklat niyang A Different Love: Being Gay in the Philippines, ‘yung unang edisyon nito, ang dami kong mga aral na natutuhan lalo na sa pagtanggap sa aking sexual orientation at preference at pagmamahal ko sa aking sarili. Ang aking nanay rin, binasa ang aklat at mas naliwanagan ang kanyang pag-iisip at puso patungkol sa aking pagiging kakaiba.
Kaya dear Abante TONITE followers, readers, pati na rin bashers, pakitutukan at panoorin ang “Walang Echos” ni Dra. Margie Holmes. At yes oh yes, walang echosan, malalaman niyo na kung bakit I am the diva that Dr. Margie and everybody loves!