Abante Tonite Interactive

VP Leni demoted agad sa kadaldalan

1,185

Maagang nagpakita ng mga maling diskarte si Vice President at drug czar Leni Robredo kaya nagbago ang isip ni Pangulong Rodrigo Duterte na isama ito sa gabinete.

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo matapos sabihin ng Pangulo na ang appointment lamang ng Bise Presidente ay ang pagiging co-chairman nito ng Inter-agency Committtee on Anti-Illegal Drugs o ICAD.

Ayon kay Panelo, nakita kaagad ng Presidente ang ilang ‘red signs’ sa Bise Presidente kaya hindi na itinuloy ang paghirang sa kanya sa gabinete.

Kabilang aniya rito ang pakikipag-usap ni VP Leni sa ilang organisasyon sa labas ng bansa at paghingi ng tulong sa mga itinuturing na ‘enemies of the state’ na mayroon na kaagad konklusyon sa war on drugs sa bansa.

Para kay Pangulong Duterte, delikadong mapasakamay ni VP Robredo ang mga sensitibong impormasyon dahil may posibilidad na ibahagi nito ang mga classified information na maaring makabulilyaso sa operasyon ng mga awtoridad.

Samantala, matapos sabihin ng Malacañang na hindi siya miyembro ng gabinete, isang kuwestiyon ngayon ang nais na masagot ni Vice President Leni Robredo, kung walang tiwala sa kanya si Pangulong Rodrigo Duterte at ang iba pang opisyal na nasa drug campaign ng administrasyon ay bakit pa ito itinalaga sa kanyang bagong posisyon.

Ayon kay Robredo, naniniwala siyang may tiwala sa kanya ang Pangulo na basehan kung bakit ito itinalaga bilang co-chairman ng Inter Agency Committee on Anti Illegal Drugs (ICAD).

“Kung wala silang tiwala, bakit nila ako dinesignate?” pahayag ni Robredo.

Aminado si Robredo na noong una pa man ay may kawalan na ng sinseridad sa naging offer sa kanya sa ICAD. Hindi rin niya nakikita ang sinseridad ng mga kasama­han niya sa ICAD. (Aileen Taliping/Tina Mendoza/Prince Golez)