Abante Tonite Interactive

VP Leni etsa-puwera sa gabinete, masyadong madaldal

701

Kahit ginawang drug czar at co-Chairman ng Inter-Agency Commission on Anti-Illegal Drugs (ICAD), hindi pa rin maihahanay sa mga miyembro ng gabinete si Vice President Leni Robredo.

Tahasang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi miyembro ng gabinete ang Bise-Pre­sidente at hindi niya ito hinirang bilang miyembro ng kanyang gabinete.

Masyado aniyang madaldal si VP Leni at sa pulong ng gabinete ay ma­rami silang mga pinag-uusapan na kapag narinig ito ay maaaring idaldal sa labas.

“She is not a member of the cabinet. I have not appointed her as a ca­binet member. You know why? Early on she was talking right and left that she would talk to this and talk to that. In the cabinet meeting, we talk about what’s happening eh kung marinig niya ‘yan diyan tapos dadaldal niya sa labas. She’s not a cabinet. I have not signed an appointment designating her as a cabinet,” anang Pangulo.

Binigyang-diin ng Pre­sidente na hindi naman sila magkapartido ng Pangalawang Pangulo at bagama’t hindi siya nagdududa, hindi pa rin maiaalis ang posibilidad na baka mailabas niya ang mga sensitibong pinag-uusapan sa official family at magkaroon ng malaking problema.

“Unang-una, Leni ‘di man tayo magkapartido. ‘Di man ako suspetsoso pero kung may makita ka diyan na para ibuhos mo sa akin o ibigay mo dun sa iba para ibuhos sa akin. Gagawin mo talaga. ‘Yan ang problema. Kung kapartido tayo, walang problema,” dagdag pa ng Pa­ngulo.

Sa paniwala ng Presidente, kaya gustong makita ni VP Leni ang mga mahahalagang impormasyon at dokumento sa drug war ay dahil sa paniwala nito na may mali sa ipinatupad na drug war sa bansa. (Aileen Taliping)