Abante Tonite Interactive

VP Leni kumasang lider ng oposisyon

By
1,474

Handa na si Vice President Leni Robredo na pamunuan ang pagkilos kontra sa administrasyong Duterte.

Kinumpirma ito kahapon ng Pangalawang Pangulo nang aminin nitong tinanggap na niya ang panawagan ng iba’t ibang grupo na pamunuan niya ang pagkilos upang pag-isahin ang mga boses kontra sa administrasyon.

“Maraming mga gru­po na pareho naman ‘yung mga issue na gustong salungatin. Pero dahil hindi nag-usap-usap, hindi napag iiisa ‘yung boses at y’un ang role na gusto kong i-take. Siguraduhin na ‘yung mga boses ay lalong mapagkaisa, para lalong pakinggan­, siguraduhin na ‘yung mensahe na gustong ipaabot at mas maintindihan at hikayatin ‘yung pareho rin ang paniniwala na makiisa,” ayon kay Robredo.

Noong nakaraang linggo ay personal nang nakipagkita si Robredo sa mga kinatawan ng ibat ibang grupo tulad ng Tindig Pilipinas, Akbayan, Magdalo, at Liberal Party (LP) na siyang chairperson.

Ayon kay Robredo, sa naturang pulong, ipi­nahayag na niya ang kanyang kahandaan pa­ra tumayong lider ng oposisyon.

Tiniyak naman ni Robredo na dadalo pa rin siya sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte ngayong Hulyo 23 sa Kongreso.

“Dadalo ako, siyem­pre. Isa ‘yun sa mga obligasyon natin bilang pangalawang pangulo,” pagtiyak pa niya.