Abante Tonite Interactive

VP Leni: Pag-aralan ang masamang epekto ng TRAIN Law

By
206

Hiniling ni Vice Pre­sident Leni Robredo na muling balikan at pag-aralan ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law dahil sa naging mabigat na epekto nito sa mamamayan.

Ayon sa Bise Presidente, mismong ang Department of Finance (DOF) ay aminadong hindi nila nakonsidera ang indirect effect ng naturang batas na pagpapatunay na may kakulangan sa sapat na pag-aaral ukol dito.

“Tingin natin kailangang i-revisit iyong TRAIN Law, kasi sila iyong mga tao na mismo sa Department of Finance ang nag-admit na hindi nila na-consider iyong indirect na effects ng TRAIN Law,” ayon pa kay Robredo.

Sinabi pa ni Robredo na hindi naman nangyari ang sinasabing maliit na porsiyento lamang ang epekto ng batas sa inflation o presyo ng mga bilihin dahil halos umaaray na ang lahat sa pagtaasan ng presyo ng mga bilihin matapos na maisabatas ito.

“Noong una sinasabi nila 0.4 percent lang daw iyong effect ng TRAIN sa inflation, pero ngayon mukhang hindi na iyon totoo. Ramdam na ramdam ng ating mga kababayan iyong kahirapan. Nagtaasan iyong presyo ng halos lahat na mga bilihin, lalo na iyong bigas,” giit pa ni Robredo.

Dahil dito, naniniwala ang Pangalawang Pangulo na kailangan muling pag-aralan ang batas kabilang na ang safety net na makakatugon sa epekto nito.