Abante Tonite Interactive

VP Leni sa publiko: Magkaisa kontra mali

By
1,019

Panahon na upang magkaisa at paigtingin ang boses na walang puwang sa isang demokrasya ang kalakarang­ pinaiiral ngayon ng pamahalaan.

Panawagan ito ni President Leni Robredo matapos na muling igiit na mali-mali ang desisyong pagpapawalang-bisa sa amnestiya ni Senador Antonio Trillanes IV.

“Iyong sinasabi ko sa mga kasama, panahon na ito para magkaisa. Panahon na kapag mali, mali talaga—kapag mali, walang pulitika, walang political affiliations,” sabi ni Robredo.

“Kailangan mas paigtingin pang lalo iyong mga boses para ipahayag na hindi puwede iyong ganitong kalakaran sa isang demokrasya,” dagdag pa nito.

Ayon sa pangalawang pangulo, base mismo sa datos ay maling-mali ang ginawa kay Trillanes at malinaw na lumilitaw lamang na gusto itong patahimikin.

“Maling mali iyong ginagawa sa kaniya. Nasundan natin iyong timeline ng… timeline..saka ng datos papunta doon sa alleged na revocation noong amnesty. Mali talaga; walang ibang dahilan kung hindi pagpapatahimik,” sabi pa ni Robredo.

Diin ng Bise Presidente, ang nangyari kay Trillanes ay gaya lamang ng nangyari kay senador Leila de Lima na ikinulong para patahimikin dulot ng patuloy nitong pagpuna at pagkontra sa mga polisiya ng pamahalaan.

Ngunit kailangan aniyang matigil at kontrahin ang ginawa na ito ng pamahalaan dahil kundi hindi ay magiging normal na matatakot ang pumupuna sa pamahalaan

“Kailangan itong kontrahin, kasi kung hindi, siya na iyong magi­ging norm, na matatakot nang magpuna sa pamahalaan dahil mayroong mga aksyon na ganito,” dagdag pa ni Robredo.