Abante Tonite Interactive

VP Leni sumubok magbalik-loob kay Digong pero inayawan ‑ Roque

By
1,815

Ibinunyag ni Presidential Spokesman Harry Roque na muling nag-apply si Vice President Leni Robredo na maging miyembro ng Gabinete subalit hindi pinalad.

Ginawa umano ito ng Pa­ngalawang Pangulo bago ito nagdesisyon na pangunahan ang hanay ng oposisyon.

Ayon kay Roque, kinikilala ng gobyerno ang papel ng oposisyon sa demokrasya kaya hangad nito na maayos na mapangasiwaan ni Robredo ang kanyang grupo.

Sa ganitong paraan aniya ay hindi na umaasa si Robredo na makabalik muli sa gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“Sinabi naman namin eh importante rin ang oposisyon sa demokrasya. Pero good luck po, at sana po ay malinaw na ang papel ni Leni Robredo dahil nitong kailan lamang po eh parang nag-a-apply muli siya sa Gabinete ni Presidente. So, ngayon at least mayroon na siyang desisyon na sa oposisyon na siya at hindi na siya umaasa na makapasok muli dito sa Gabinete ng ating Pangulo,” ani Roque.

Matatandaang minsan na ring naging miyembro ng Gabinete ang Bise Presidente subalit inalis ng Pangulo at inabisuhan sa pamamagitan ng text message na huwag na itong dumalo sa mga pulong ng Gabinete.

Kamakalawa lamang ay inihayag ng Pangulo na “incompetent” ang Bise Presidente at wala aniyang kakayahang pamunuan at pangasiwaan ang bansa.