Abante Tonite Interactive

VP Robredo pinaglaruan lang ni Pangulong Duterte?

665

Lumitaw na ngayon na tila nam-bluff lang si Pangulong Duterte o nais lang na paglaruan si Vice President Leni Robredo kaugnay ng ibi­nigay na puwesto bilang anti-drug czar.

Hindi akalain kasi ng Pangulo at ng buong administrasyon na tatanggapin ni VP Rob­redo ang hamon na pangunahan ang kampanya laban sa iligal na droga.
Maging kaalyado ng Bise Presidente ay nasorpresa rin sa pagtanggap sa nasabing posisyon bilang co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti Illegal Drugs (ICAD).

Dahil sa pagtanggap ni VP Robredo sa tungkulin bilang anti-drug czar ay halos araw-araw ay naging laman na ito ng mga pahayagan, radyo at telebisyon at marami ang nagparamdam ng suporta mula sa pribadong sektor at simbahan.

Ang buong akala ng Malacañang ay tatanggihan ni VP Robredo ang puwesto at maaa­ring akusahan ito na takot at walang kakayahan na pangunahan ang kampanya laban sa illegal drugs sa bansa.

Dahil sa tila biglang pagsikat ni VP Robredo at positibo ang mga paunang hakbang nito ay agad na kinuyog ito ng mga kaalyado mismo ng Duterte administration.

Hindi gaanong ku­magat ang banat ng mga kaalyado kaya naman mismong si Pangulong Duterte na ang hayagang bumira kay VP Robredo at sa wakas ay umamin na wala siyang tiwala dito.

Lumitaw na hindi sin­sero ang Pangulo sa kaniyang alok na puwesto sa Bise Presidente.

Kung ating matatandaan, ilang ulit na sinasabi ng Malacañang sa pamamagitan ni Presidential Spokesman Salvador Panelo ang alok kay VP Rob­redo na pangunahan ang kampanya laban sa illegal drugs dahil sa pagiging kritiko nito.

Sa pinakahuling hirit ni Sec. Panelo, cabinet rank at ibibigay ang buong suporta kay VP Robredo kung tatanggapin ang alok.

Pero ngayon, lumitaw na pinaglaruan ng Pangulo kaya naman ay agad na bumuwelta na si VP Robredo na makakabuting deretsahin na siya ng Pangulo kung ayaw na itong manatili sa posisyon.

Nauna rito, sinabi ng Pangulo sa kaniyang ipinatawag na dis-oras na press confe­rence sa Malacañang na bagama’t wala siyang tiwala kay VP Robredo ay hindi n’ya ito sisibakin o aalisin sa puwesto subalit hindi ito maaa­ring makadalo sa mga pagpupulong ng gabinete na may mga pinag-uusapan umanong sensitibong usapin o state secret.