Abante Tonite Interactive

Wade luminya na sa level nina Jordan, LeBron

ASTIG!

323

Ibinaon ni Miami Heat veteran Dwyane Wade ang kanyang 500th career 3-pointer sa third quarter ng laro kontra Atlanta Hawks nitong Linggo.

Sinamahan ni Wade sina Michael Jordan at LeBron James bilang tanging players sa kasaysayan ng NBA na may 20,000 points, 5,000 assists, 4,000 rebounds, 1,500 steals, 800 blocks at 500 3s.

Miserable ang Miami sa long distance kontra Hawks. Sablay ang 20 sa unang 22 pukol ng Heat mula sa labas ng arc hanggang kumonekta ang pang-record ni Wade.

Tinambakan ng Atlanta ang Miami 106-82.

Sa kanyang huling season sa NBA, nakiki­pagpalitan na ng jerseys si Wade sa mga kapwa player.

Pinakahuli kay Trae Young, dalawang beses pang nag-text kay Wade para makakuha ng signed jersey ng star sa kanyang huling laro sa Atlanta. Hindi siya binigo ni Wade.

“I texted him and I was like, ‘I need it for the last time in the ATL,” ani Young, kaibigan ng anak ni Wade na si Zaire. “He said, ‘I already got it planned.’ It was cool to talk to him.”

Bitbit ni Wade ang pirmadong jersey at binigay kay Young sa halfcourt. Hinubad ni Young ang suot, pinirmahan din at binigay sa 12-time All-Star.

“I’ve been able to swap jerseys with a lot of vete­rans in the league, but it’s good when the younger guys come in and they want your jersey as well,” bulalas ni Wade.

Binigyan ng Hawks ng video tribute si Wade sa kaagahan ng first quarter. Nang bigyan ng standing ovation, nangiti si Wade at kumaway sa crowd.

Palabas ng court bitbit ang jersey ni Young pagkatapos ng laro, huminto si Wade nang muling pabaunan ng standing ovation. Pumirma siya ng autographs habang nakangiti bago pumasok ng tunnel. ()