Abante Tonite Interactive

‘Wag balewalain ang trangkaso – DOH

259

Pinayuhan ng Department of Health (DOH) ang publiko na mag-ingat laban sa trangkaso na usong-uso sa mga buwan ng ­Enero at Pebrero, na panahon ng taglamig sa bansa.

Sinabi ni DOH Undersecretary at Spokesperson Dr. Eric Domingo, sa kabila na lumabas sa kanilang rekord na bumaba ang mga kaso ng trangkaso sa bansa ngayong taon ay hindi pa rin ito dapat na ipagwalang-bahala.

May iba’t ibang strain aniya ng trangkaso na nakakahawa kaya’t dapat pag-­ingatan ng publiko ang kanilang kalusugan.
Kapag tinamaan ng trangkaso, dapat na maging maingat at magtakip ng bibig kung uubo o babahin upang hindi maikalat ang ­virus.

Maaari aniyang magdala ng komplikasyon o makamatay ang flu virus kapag hindi agad malapatan ng kaukulang lunas.
“Ang nakakatakot lang kasi na gusto na­ting ma-prevent ‘yung mga flu na nagkakaroon ng complication. Kasi maaari siyang mauwi sa pneumonia at of course maaaring in the end makamatay,” ani Domingo.

Binabantayan din umano ng DOH ang strain ng flu sa bansa para sa gagawin nilang pagbabakuna sa kalagitnaan ng taon.