Abante Tonite
Mabilis sa Balita

‘Wag balewalain speed limit sa bus lane

0 337

Tatlong insidente na ng paghagis ng mga concrete barrier na inilagay ng MMDA sa bagong bus lane sa EDSA ang nangyari gayung hindi pa ganap na kumpleto ang implementasyon nito.

Base sa dashcam footages ng mga kasabayang motorista, ang tulin (speed) ng mga bus ang pangunahing dahilan ng mga insidente ng pagkakatumba at nitong huli ay paghagis pa ng isa sa mga concrete barrier sa kabilang gilid ng EDSA.

Sa tatlong dashcam footages kasi, sa umpisa ng video recordings ay wala sa eksena ang bus at maayos na tumatakbo ang mga sasakyan hanggang sa bigla na lamang itong susulpot na humaharibas ang takbo at ayun, tatamaan na ang concrete barriers.

Ang sabi ng MMDA, 50kph ang speed limit ng mga bus sa EDSA pero kung titingnan ang mga kuha, lagpas-lagpasan ang mga ito dahil talaga namang humaginit sila sa tulin.

May mga nagsasabing ang solusyon sa mga ganitong pangyayari ay palitan ng plastic barriers na may palaman na tubig ang mga semento, at may mga suhestiyon din na dapat ay iturnilyo o idikit na ng mga permanente sa kalsada ang mga nakakabit na.

Kung tutuusin, lahat ng mga panukalang ito ay nangangahulugan ng karagdagang gastos na kung sa kasalukuyang situwasyon ibabatay ay talagang mahihirapang magawa ng MMDA dahil halos mapurdoy na ang bulsa ng gobyerno sa paggastos sa COVID19.

Pinakapraktikal pa rin na pairalin ang speed limit sa bus lane upang mas magkaroon ng kontrol ang mga drayber na tantiyahin ang espasyo nila sa kanan, pansinin na lahat ng tatlong aksidente ay sa kanan ang tama dahil nga left hand drive tayo dito sa Pilipinas kaya tantiyadong tantiyado ng mga ito ang espasyo sa kaliwa.

Isang halimbawa na magagawa ng speed limit ay ang normal na takbo ng isang pangkaraniwang laki ng sasakyan sa tollways na tumatakbo ng 80kph na halos bumalikwas kapag inuunahan ng bus na tumatakbo ng 100 kph pataas, ibig sabihin, napakalakas ng sigwada ng hangin na dala nito.

Dapat lang sigurong seryosihin ng mga nagbabantay sa EDSA ang pagpapatupad ng speed limit, isyuhan agad ng TVR ang bus driver na lalabag at huwag nang pansinin ang pakiusap ng konduktor nito.

Sa isang banda, hindi rin tama na ang konduktor ang nakikipag usap sa enforcer sa asuntong hindi naman siya ang may gawa, kung ganito ang situwasyon, kailangan na rin ng enforcer na idamay siya sa atraso ng bus drayber.
Ayos ba?

Leave A Reply

Your email address will not be published.