Abante Tonite
Mabilis sa Balita

‘Wag excited sa MGCQ

0 628

Parang nakapulot ng etneb sa tuwa ang isa nating kurimaw nang madinig ang balita na malaki ang posibilidad na ilagay na sa mas maluwag na modified general community quarantine ang mga lugar na nasa general community quarantine tulad ng Metro Manila.

Pero sa totoo lang mga tropapips, hindi tayo dapat maging masyadong excited dahil nandiyan pa rin ang perwisyong made in China virus na COVID-19, at wala pa ring panlaban na bakuna. Kaya ang posibilidad ng hawahan, malaki pa rin.

Sabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana kamakailan, may 80% chance na ang mga lugar na naka GCQ ay maging MGCQ pagsapit ng July 16. Ibig sabihin, mas maraming tao na ang papayagang lumabas at magtrabaho, mas marami nang sasakyan ang aarangkada, mas madadagdagan na siguro ang mga establisimyentong bubuksan sa mall, baka magkaroon na ng mga lugar na puwedeng pasyalan,–ang kaso, baka dumami rin ang hawahan.

Ngunit depende pa naman daw ‘yan sa magiging datos ng Department of Health (DOH) sa bilang ng mga madadagdag sa COVID-19 cases. Ang tanong naman ng isa pa nating kurimaw, mapagkakatiwalaan naman kaya ang DOH na tunay ang ilalabas nilang resulta?

Hindi natin masisisi kung may mga tao na magdududa sa mga inilalabas na datos ng DOH dahil ilang beses na silang nagpalit ng “formula” sa pagbibilang ng mga nagkaka-virus. Nagkaroon pa nga sila ng tinatawag na “sariwa” at “atrasadong” mga kaso—na pareho rin lang naman na ipapatong sa lumulobong kaso.

Ang pangamba ngayon ng iba pa nating kurimaw, baka sa kagustuhan ng ibang nasa pamahalaan na buksan na ang ekonomiya natin para kumita na ang gobyerno, baka raw magkaroon ng hokus-pokus sa bilang. Ngunit don’t worry mga tropapips dahil mayroon puwedeng tagapagbantay ng tunay na bilang—ang UP research team, na ayon sa isang opisyal eh natalo sa kanilang June prediction.

Sa prediction kasi ng research team, sinabing posibleng umabot sa 40,000 ang COVID positive sa bansa pagsapit ng June 30. Pero nang dumating ang naturang araw, kapos ng halos 3,000 ang naitala. Pero tatlong araw matapos magbunyi ang isang opisyal na “natalo” ang UP prediction, sumampa na agad sa mahigit 40,000 ang COVID cases.

At sa katapusan naman ng July 30, ang pagtaya ng UP research, baka umabot sa 60,000 ang kaso ng COVID sa bansa—o nasa 20,000 ang madadagdag. Hindi sa gusto natin mangyari ang prediksyon ng UP research dahil kung tutuusin, sana nga eh maging mas malaki sa 3,000 ang maging “shortage” sa total COVID cases sa katapusan ng Hulyo, pero papaano kung magkatotoo ang pangamba ng mga kurimaw natin na baka “maduktor” ang ilalabas na datos para palitawin na bumababa ang kaso at nang payagan na ang MGCQ? Iyan eh pangamba lang naman at siguro eh hindi naman gagawin ng DOH.

Bakit mahalagang lumabas ang tunay na bilang ng COVID cases? Kasi kung palilitawin lang na bumababa na ang datos, baka maging kampante na ang tao at maging pawardi-wardi sa pagpapatupad ng health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask, social distancing, hand washing at iba pa. Baka kahit hindi pa puwede eh may biglang magparty o reunion.

Gaya sa Amerika na maraming estado ang naging kampante at nagbukas na ng kanilang kainan, at pasyalan, tulad ng mga beach [bukod pa sa maraming tao sa kanila ang pasaway], ayun, bigla na namang sumipa ang COVID cases sa kanila.

Sa isang araw, nakapagtala sila ng single day new global record na 55,000 na kaso. Ang 10,000 nito, galing sa Florida. Kaya sa 11 milyong COVID cases sa mundo, halos 3 milyon nito ang nasa Amerika, ang bansa na may pinakamaraming kaso.

Kaya kung mangyayari ang paglilipat na sa MGCQ ng maraming lugar sa bansa, at kahit tumpak at hindi minasahe ang datos, dapat maging maingat pa rin [lalo na ang mga bata at matatanda] dahil matira ang matibay pa rin ang labanan habang wala pang bakuna. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.