Abante Tonite
Mabilis sa Balita

`Wag i-hostage ang pondo ng bayan – Duterte

0 374

Huwag nang asahan na muling maghaharap sina Pangulong Rodrigo Duterte, House Speaker Alan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Jay Velasco.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi na masusundan pa ang pulong dahil nasabi na ni Pangulong Duterte ang lahat ng dapat nitong sabihin sa dalawang mambabatas.

Isa lamang aniya ang hiling ng Pangulo kina Cayetano at Velasco, at ito ay huwag i-hostage ang panukalang 2021 national budget.

“Nasabi na niya ang lahat ng dapat niyang sabihin sa parehong partido. Ang kanyang hiling, huwag i-hostage ang budget,” ani Roque.

Sinabi ng kalihim na kailangang-kailangan ng gobyerno ang 2021 national budget para matugunan ang mga epekto ng nararanasang pandemya sa COVID-19.

Inihayag naman ni Senador Panfilo `Ping’ Lacson na imposibleng maipasa ng Kongreso sa takdang oras ang budget para sa susunod na taon.

“Maski anong magic gawin namin, siguradong re-enacted na ‘yung budget eh. Hindi na talaga kayang i-approve,” pahayag ni Lacson sa online interview ng mga reporter.

Bagama’t nangako umano si Speaker Alan Peter Cayetano na kanilang aaprubahan sa pinal at ikatlong pagbasa ang panukalang P4.5 trilyong 2021 national budget kapag nagpatuloy ang sesyon sa Nobyembre 16, sinabi ni Lacson na kulang ang kanilang oras para mabusisi ito.

“Imposible na. Maski ipangako nila na it will be passed on time. Hindi na talaga maipapasa on time because of the schedule na napakasikip,” ayon kay Lacson.

“Ipit na ipit na ‘yong budget,” sambit pa nito. (Aileen Taliping/Dindo Matining)

Leave A Reply

Your email address will not be published.