Abante Tonite
Mabilis sa Balita

‘Wag idamay ang mass vaccination program

0 445

Hindi maganda ang nakaraang linggo para sa mga Batang Maynila na pilit idinadamay sa masagwang uri ng pamumulitika ng ilang walang magawang indibidwal na walang pinahahalagahan kundi ang pansarili nilang interes pulitikal.

Una, ang website na siya naming ginagamit sa aming mass vaccination program ay hinack ng mula 133 hanggang 200 ulit noong Miyerkules. Ito ay maliwanag na desperadong pagtatangka na isabotahe ang aming programa.

Hindi ito ang una. Bago niyan ay marami na ring parehong pagtatangka halos araw-araw subalit mapalad ang lungsod dahil ang aming IT teams ay magaling at nagagawang kontrahin ang mga pagtatangka upang matiyak na lahat ng importanteng data ay protektado at naka-backup sa regular basis.

Ang unang seryosong tangka ay nangyari noong Marso, nang bumulusok ang aming vaccination program.

Kada vaccination day ay nagtatala ng record ang aming vaccination teams, sa ilalim ng pamamahala nina Vice Mayor Honey Lacuna, Manila Health Department chief Dr. Poks Pangan at kanyang assistant chief Dr. Ed Santos, pagdating sa bilang ng nabakunahan sa loob ng isang araw.

Batay sa pinakahuling datos, mahigit 45,000 ang nababakunahan sa isang araw at umabot na sa halos 1.5 milyong doses ang naibakuna sa mga residente na isa kundi man siyang pinakamabilis sa Metro Manila.

Nananawagan ako sa mga hackers na ito na huwag naman sanang idamay ang mass vaccination program sa kanilang masamang gawain dahil ang programang ito ay para sa inosenteng mamamayan ng Maynila na nais lamang maproteksyunan laban sa nakamamatay na coronavirus.

Ang mga hacking na ito ay isinasagawa para maparalisa ang sistema ng bakunahan na ang tatamaan ay ang mga residente na nais magpa-rehistro at mabakunahan. Bagamat ito ay mangangahulugan ng dagdag-trabaho sa aming IT teams, nagagawa naman nilang ayusin kaagad ang problema sa tuwing may hacking na nagaganap.

Ang mga residenteng nangangailangan ng naturang site ang siyang nagdurusa at hindi ko maunawaan kung paano nagagawa ito ng mga hackers sa gitna ng pandemyang kinakaharap ng lahat. Ang gawaing ito ay na-trace na sa isang troll farm.

Bago nito, ang nakasanayang maayos at mapayapang bakunahan na ginagawa sa shopping malls ay nasabotahe din, batay sa ulat na natanggap namin mula sa ground.

Nung madaling araw ng Huwebes ay nagdagsaan ang malalaking grupong sakay ng vans, buses at jeepneys sa SM San Lazaro. Inalis nila ang mga barrier na inilagay ng volunteers at security ng mall at hindi pinakikingggan ang abiso ng cut-off, kaya’t nagdesisyon ang mall management na huwag munang magbukas sa takot sa bantang kaguluhan dala ng mga taong ito. Sa nangyari ay nadamay ang bakunahan na nakansela sa di pagbubukas ng mall, gayundin ang mga lehitimong residente na gusto sanang magpabakuna nang araw na iyon.

Matahimik at maayos umano ang lahat nang biglang nagdatingan ang mga grupong iyon dakong 2 a.m. hanggang sa umabot ang pila sa 7,000 hanggang 10,000 katao.

Karamihan sa kanila ay mula Laguna, Cavite at Rizal na nagsabi sa marshalls na sila ay dumagsa dahil sa balitang aarestuhin ang mga di bakunado na lalabas ng bahay habang may enhanced community quarantine (ECQ).

Karaniwan, ang nagtutungo sa aming vaccination sites ay naabot lamang ng 1,000 hanggang 2,000 at alam nila ang polisiya na kailangang pre-registered ka at may nakahandang QR code, na hindi alam ng mga nagsidagsa sa naturang mall. Alam din ng mga residente na may cut-off at sa oras na inabot sila ay mapayapa naman silang umuuwi na para sumubok ulit sa susunod na bakunahan.

Nitong Linggo ay aming inilunsand ang 24/7 vaccination program kung saan may bagong sistema kaugnay ng ECQ. May ‘strict scheduling’ na ipatutupad, wala na munang walk-in at ang pagbakuna ay gagawin batch by batch mula sa mga barangay na bibigyan ng slot numbers at ang pagbakuna ay sa mga paaralan lang at wala muna sa shopping malls.

Bago niyan ay binuksan din namin ang ikatlong dialysis center sa Sta. Ana Hospital na may probisyon para sa mga may COVID na pasyente at may high-tech na pasilidad gaya ng pribadong ospital.

Habang isinusulat ito ay mahigit 1.4 milyong bakuna na ang aming naiturok kung saan 838,115 na ang nabakunahan ng first dose at 666,366 ang fully-vaccinated na.

Hindi po kami magpapaapekto sa mga pagtatangkang idiskaril ang aming layuning magkapagbakuna ng mas marami pa sa lalong madaling panahon.

Imbes na sayangin ang kanilang panahon sa pananabotahe ng aming vaccination program kung saan ang mga ordinaryon masa ang maaapektuhan, inaanyayahan ko ang mga nasa likod nito na gamitin ang kanilang oras at pagod sa pagtulong sa Maynila na makatulong din sa bansa upang maabot ang inaasam na ‘herd immunity’ para sa kapakinabangan nating lahat.

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first!
***
Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’

Leave A Reply

Your email address will not be published.