Abante Tonite Interactive

‘Wag ka magpa-late!

434

Julius Segovia

Wala nang pinipiling oras o panahon ang traffic. Pero sa tingin ko, mas na­ging mabigat ang daloy ng trapiko sa pagsisimula ng klase ngayong linggo.

Yamot na yamot ako sa tuwing maririnig na dahilan ang traffic kaya late.

Marami akong estudyanteng ganyan. Dahilang hindi ko kina­kagat. Alam mong maaga ang pasok mo, agahan mo rin ang gising.

Naging bahagi na ng kultura natin ang ‘Filipino time’. Walang katiyakan kung saan ito nagmula. Pero ilang history books ang nagsasabing namana natin ito sa mga Espanyol na nanakop sa atin nang mahigit 400 na taon.

Katunayan, ilang linya sa mga inakdang libro ni Jose Rizal ang nagbabanggit sa katamaran o ang natural na pagiging huli ng mga tao.

May kasabihan din ta­yong mga Pilipino na “Huli man daw at magaling, naihahabol pa rin.” Bagay na sinusunod pa rin ng marami sa atin. Kaya buhay na buhay pa rin ang ‘Filipino time’ sa kultura natin.

Ang sa akin lang, dapat unti-unti na na­ting binabago ang kaugaliang ito.

Kung alam mong may maaga kang lakad o appointment kinabukasan, ihanda mo na ang isusuot mong damit gabi pa lang. Pati ang mga gamit na dadalhin mo, mas mainam ding prepared na.

Kilalanin at tanggapin mo ang pagiging late. Huwag ka nang magdahilan pa para ma-excuse lang ang sarili mo. Pag naging ha­bit na kasi ito, iisipin mong walang mali sa naturang pag-uugali.

Maglaan ka ng dagdag na oras sa iyong tra­vel time. Kung dati, isang oras ang allowance mo — baka kailangan mo na itong doblehin lalo pa’t hindi li­ngid sa kaalaman mong lagi na lang heavy traffic.

Kung nagco-commute ka, maglaan ng allowance sakaling masiraan ang sinasakyang bus o jeep. Kung may sarili namang sasak­yan, maglaan ng oras sa paghahanap ng parking.

Huwag kang mag-overextend sa meeting mo para hindi ka mahuli sa susunod na appointment. Iwasan ding mag-set ng sobrang agang lakad kung hindi rin naman kayang tuparin.

Hangga’t maaari, huwag ding tumanggap ng imbitasyon kundi naman kayang puntahan sa itinakda nitong oras. Reputasyon mo ang nakataya rito.

Ang sa akin lang, huwag sayangin ang oras. Hindi magandang makasanayan ang ugaling ‘Filipino time’. Maraming apektado sa pagiging huli ng isang tao.

Hindi lang din ang imahe ng bansa ang naaapektuhan sa ganitong pag-uugali, kundi pati ang ang pag-unlad nati’y apek­tado rin. Milyon-milyong piso ang nawawala sa kaban ng bayan dahil dito.