Abante Tonite Interactive

‘Wag mag-panic sa coronavirus, fake news itigil

437

Isa na namang pagsubok sa mga Pilipino ang lumalaganap na sakit mula sa China.

Ito ay ang novel coronavirus na nagmula sa Wuhan, China na marami na ang nadapuan ng sakot at sa pinakahuling report ay nasa 17 katao na ang namatay.

Masasabing hindi na bago ang ganitong pagsubok sa mga Pilipino dahil marami na ring virus o sakit ang pumasok sa Pilipinas pero ito ay nalampasan naman.

Hindi na dapat pang mag-panic ang publiko sa coronavirus at sa halip ay paghandaan lamang ito at gawin ang lahat ng pamamaraan para hindi dapuan ng sakit na ito.

Na-interview ko si Health Secretary Francisco Duque, ay kaniyang hinihikayat na panatilihin ang kali­nisan sa katawan ng mga Pilipino tulad ng paghuhugas ng kamay at kung pupunta sa mga matataong lugar ay gumamit ng surgical face mask o magtakip ng ilong at bibig para makasiguro.

Ayon pa kay Secretary Duque, sa mga pasahero ng eroplano na galing sa China at bansa na tinamaan ng coronavirus ay maka­kabuting boluntaryong magpatingin sa doktor at sa ospital ng gobyerno.

Samantala, ating pinapanawagan sa lahat ng mga Pilipino na huwag nagpapakalat ng fake news tungkol sa coronavirus.

Sa ngayon ay walang humpay ang pagkalat ng fake news sa social
Media na agad namang pinapatulan ng marami at mabilis na naniniwala na nakapasok na umano ang virus sa bansa.

Sa katunayan ay hanggang ngayon ay wala pang kumpirmado na nakapasok na sa Pilipinas ang no­vel coronavirus kung kaya’t hindi dapat na mag-panic ang mga Pinoy.

Ang batang Chinese na nakitaan ng sintomas ng coronavirus na naospital sa Cebu ay nagnegatibo na kung kaya’t maliwanag na hindi pa nakakaabot sa Pilipinas ang nakamamatay na virus.

Sa kasalukuyan ay kailangang maging maingat ang lahat sa pagtanggap ng mga balita na ang pinagmumulan ay social media at sa halip ay kumuha ng update sa mga tradisyunal na tagapagbalita tulad ng radyo, telebisyon at pahayagan.