Abante Tonite
Mabilis sa Balita

‘Wag maging pasaway

0 46

Malamang na marami na naman tayong kababayan ngayon mga tropapips ang napapa-“bahala na si Batman” kapag lumalabas ng bahay dahil sa napakarami na namang kaso ng COVID-19 sa bansa.

Mantakin niyo, noong Disyembre 29 eh mahigit 10,000 na lang ang active cases natin ng COVID, pero ngayon, mahigit 100,000 na.

Pero baka mas marami pa ang may COVID dahil ang ibang nagkakasakit, baka iniiisp nila na “normal” na trangkaso lang ang nararamdaman nila dahil sa flu season ngayon.

Kaya sa halip na magpa-test, titira na lang sila ng paracetamol sa bahay kapag nilagnat at sumakit ang katawan. Hindi sila magpapa-COVID-19 test dahil nga nasa isip nila na-trangkaso lang sila at hussle ang magpa-test sa sobrang dami ng
nagkakasakit.

Kung bakit hindi kasi magbigay ang gobyerno at mga mayor ng mga easy-to-use COVID 19 test sa mga bahay. Nang sa gayon eh maaalerto mismo ang tao kung positive siya o hindi sa virus nang hindi basta-basta gagala o makikipagsiksikan sa iba.

Tutal naman, inirerekomenda ngayon ng mga eksperto na kung mild lang naman ang nararamdaman na sakit, huwag nang magpaospital o mag-quarantine. Manatili na lang sa bahay kung may hiwalay na kuwartong tutuluyan.

Pero inirerekomenda rin na kung home quarantine, dapat may hiwalay na banyo, maayos na daloy ng hangin, at mas maganda kung bakunado na ang lahat ng kasama sa bahay, at walang may peligrosong sakit.

Dahil nga nagkakapunuan sa mga quarantine facility, aba’y dapat maging responsable ang lahat ng may nararamdamang sintomas ng COVID, na katulad din ng sintomas ng trangkaso: masakit ang ulo, may lagnat, masakit ang katawan, may ubo at sipon at iba pa.

Ang mahirap kasi mga tropapips, baka may mga kababayan tayo na may nararamdamang sintomas at sa bahay nagpapagaling, tapos eh gagayahin si “Poblacion Girl,” na biglang lalabas ng bahay.

Kahit feeling mo eh trangkaso lang ang tumama sa iyo pero hindi ka naman nagpa-COVID test, aba’y huwag kang basta-basta rarampa sa labas ng bahay kahit kagagaling mo pa lang o wala ka nang nararamdaman.

Mas makabubuti at mas responsableng gawa kung kahit feeling mo na-trangkaso ka lang, ikonsidera mo pa rin na baka COVID possitive ka. Ibig sabihin, wag rumampa sa labas, laging magsuot ng face mask kahit nasa bahay kung may kasamang iba, at maglaan ng ilang araw bago lumabas at makisalamuha.

Ang mga positibo sa COVID na bakunado at mild lang ang sintomas, hanggang 11 araw ang inaabot ng quarantine. May may kasama siyempre ‘yan na COVID test para ma-sureball na negative na ang pasyente.

Kaya kung nagkasakit ka at hindi ka naman nagpa-test, ikonsidera mo ang sarili na baka may sanib kang virus sa loob ng 11 araw. Kaya huwag ka munang maglalabas para maki-chika, huwag humawak at magdudura sa kung saan-saan, huwag makisabay sa maraming tao, kung ano-ano pa.

Maging responsable at isipin ang kaligtasan ng ibang maaari mong mahawahan lalo na kung Omicron variant ang nakadale pala sa iyo. Huwag maging pasaway na walang pakialam sa kapakanan ng iba para hindi magalit sa’yo si Batman. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.