Abante Tonite Interactive

‘Wag magpasilaw sa promo

229

Tuwing BER months, marami ang nag-aalok ng mga promo at discounts. Sa hirap ng buhay ngayon, tiyak akong kakagat tayo sa mga ito. Pero mahigpit ang paalala ng samahan ng mga supermarket sa publiko na maging wais sa pamimili. Imbes makatipid, baka lalo tayong mapagastos.

Karaniwan nang iniaalok sa mga supermarket ang bundled products – ito ‘yung iba’t ibang klase ng produkto na ibi­nebenta nang sama-sama. Halimbawa nito ang Noche Buena pac­kage. Sino ba naman ang hindi maeengganyo sa murang presyo? Imbes bumili ng hiwa-hiwalay na consumer items, tiyak na makamemenos kung bundled ito.

‘Yun nga lang, karaniwang pinagsasama-sama sa isang package o basket ang mga produktong malapit na ang expiry date.

Ayon kay Steven Cua, President, Phi­lippine Amalgamated Supermarkets Association (PAGASA), “when buying food products especially those on sale, always check and ask for the expiry date if not written.” Matuto ring kumilatis kung nagsasabi nang totoo o hindi ang sales person na iyong pagtatanungan.

Kung may nakasulat na expiry date sa bibilhing produkto, i-check kung orihinal o ‘di kaya’y tampered.

Kung duda, puwede kang magtanong sa supermarket manager kung bakit “on sale” ang produkto kahit malayo pa sa expiry date nito.

Hindi naman daw laging “near-expiry” ang mga produktong mura ang presyo.

Sabi ni Cua, marami raw dahilan ang mga promo na iniaalok sa mga supermarket. Kabilang na rito ang overstock, change of packa­ging, at phasing out of a size or variant.

Muli namang nagpaalala ang Food and Drug Administration (FDA), “in effect” na ang kautusan nilang nagsasabing “expiry date” ang dapat na makita sa mga food product sa halip na “best before” upang masiguro ang kaligtasan ng mga consumer.

Hindi tahasang sina­sabing bawal na ang pagkain kapag lumagpas ito ng “best before” date. ‘Di gaya ng pagkaing may expiry date. Oras na lu­magpas, hindi na talaga ito maaaring ikonsumo.

May iba pa ring food manufacturers na gumagamit ng “best before”. Pero sabi ng FDA, dapat nilalagay lang ito sa mga klase ng produkto na hindi madaling masira gaya ng candy at biscuit.

Bumababa na ang kalidad ng mga pagkaing lumagpas sa itinakdang “best before” date, halimbawa’y pagkunat at pagtutubig.

Ano mang lumagpas na sa “expiry date” ay maaari nang makasira sa tiyan.
Ang sa akin lang, kahit pa abot-kaya ang produkto – isipin munang maigi kung higit ba itong kailangan bago bilhin. Ika nga ni Cua, “check if offer is good value-for-money”.