Abante Tonite Interactive

‘Wag maliitin ang inflation at ‘wag isisi sa ibang tao

By
533

Dapat aminin ng Malacañang na may problema nga sa mabilis na pagtaas sa presyo ng bilihin sa bansa.

Ito ay batay na rin sa naitalang mataas na 6.4 percent inflation rate sa bansa na dahilan ng pagsirit ng mataas na presyo ng bilihin at serbisyo.

Sa ngayon ay mas­yadong minamaliit pa ng Malacañang ang 6.4 percent na inflation na ayon kay Communications Secretary Martin Andanar, mababa pa raw ito kumpara sa mga administrasyon nila Marcos hanggang Ramos.

Ayon nga sa ekonomistang si JC Punongbayan ng University of the Philippines, bakit ikukumpara ito sa napakalayong panahon, dapat ay ikumpara man lang ito sa nakaraang administrasyon ni PNoy dahil napababa noon ang inflation rate na halos mag-zero pa.

Sa mga ganitong katuwiran lumilitaw na minamaliit ang problema sa inflation, samantalang ang hinahanap ng publiko ay dagliang solusyon.

Dapat ipaliwanag ng gobyerno ang mga de­talye ng solusyon upang humupa ang pangamba ng publiko.

Ayon kay professor Punongbayan, nakakatawa rin na ibintang ni Pangulong Duterte kay US President Donald Trump ang mataas na inflation rate sa Pilipinas dahil sa US trade policy.

Wala namang ini-import na malaking volume ang Pilipinas sa US kaya wala ta­yong pakialam sa US trade policy ng Trump administration.

Ang isa sa talagang nagpataas ng presyo ng bigas ay ang kakapusan ng suplay ng NFA rice dahil naantala ang pag-angkat nito.

Kung ating matatandaan, nagkaroon pa ng hidwaan ang mismong NFA Council at si NFA administrator Jason Aquino na naging dahilan upang lumubha ang problema sa bigas.

‘Wag nang isisi sa kung kanino pa ang problema sa bansa at makakabuting ito ay aminin sa kakulangan ng ilang departamento at agad solusyunan ang problema upang ku­malma na ang publiko.