Abante Tonite Interactive

‘Wag mga burles at tambay ang asikasuhin

By
773

Habang busy ya­ta ang mga pulis sa kakahuli sa mga tambay, namamayagpag naman ang mga holdaper na nakamotorsiklo at tila hinahamon ang mga bagong opisyal ng kapulisan lalo na sina PNP Chief Oscar Albayalde at NCRPO Chief Supt. Guillermo Eleazar.

Sa nagdaang mga linggo, sunod-sunod ang mga insidente ng holdapan ang nangyayari. Pero ang pinakamatindi ang umatake sa isang bangketa sa Quezon City at isang kainan sa Caloocan City. Bagaman magkahiwalay na lugar at magkaibang araw nangyari ang pag-atake, parehong anim ang sangkot sa holdapan na gumamit ng tatlong motorsiklo.

In fairness sa kapulisan natin, ilang insidente rin naman ng holdapan ang nagawang respondehan ng mga alagad ng batas at nagresulta pa nga ang ilan sa pagkakapatay sa mga suspek gaya ng nangyari noon sa Maynila. Ang istorya, isang babae ang nagte-text sa bangketa, nilapi­tan ng dalawang holdaper na sakay ng motorsiklo at kinuha ang kanyang cellphone.

Nang sumibat ang mga kolokoy, humingi­ ng tulong ang biktima sa pulis at itinimbre ang insidente sa mga pulis na nagsasagawa ng checkpoint. Malas ng dalawang holdaper na doon sila napadaan at nang hindi sila huminto, nangyari na umano ang shootout at napatay ang dalawa.

Sa mga ganitong istorya na very good ang mga pulis, kadalasan na dalawa ang suspek na sakay ng isang motorsiklo. Pero sa nangyaring insidente kamakailan sa Caloocan City at Quezon City, anim ang mga salarin at tatlo ang motorsiklo pero walang pulis na nandoon para masakote sa mga ito.

Kung napanood ninyo ang balita kung papaano umatake ang grupo, aba’y matatakot ka at malamang isipin mo na wala na talagang safe na lugar. Pero teka, hindi ba may nagsasa­bing mas safe na nga­yon kaysa noon? Siya nga pala, hindi pa malinaw kung iisang grupo lang sila o magkaibang pang­kat. Kung magkaibang pangkat, mas nakakatakot dahil six times two, ibig sabihin, may mali­naw na 12 holdaper ang pakalat-kalat ngayon sa Metro Manila habang isinusulat natin ito.

Noong nakaraang Abril, tatlong lalaki naman na nakasakay din sa motorsiklo ang pinuntirya ang isang ramen house sa Makati­ City. Ang tanong ng ating­ kurimaw na mahilig makikain sa kapitbahay, nasakote ba ang mga kolokoy na iyon? At saan naman kaya sunod na aatake ang mga kolokoy? Nasaan kaya ang mga alagad ni hepe kung kailan sila kaila­ngan? Baka raw nanghuhuli ng mga lalaking naka-burles sa kanto, sabi ng ating kurimaw.

Naku po sir Chief Albayalde, lalong mapupuno ang mga kulungan dahil sa mga tambay at baka madagdagan pa ang mga namamatay sa loob kapag inihalo ang mga tambay sa mga batikang kriminal, rapist at mga tulak.

Pero sa totoo lang, bagaman malaki ang problema natin sa droga, huwag naman sanang kalimutan na habulin at trabahuhin din ng mga pulis ang mga buraot na mga holdaper na nakamotorsiklo. Nagkaroon na ng dalawang magkatulad na insi­dente na tig-anim ang mga umatake, at kapag nasundan pa iyan, strike three! Baka isipin ng ilan na baka naman may nananadya lang para may maipahiya, o baka naman may conspiracy theory upang takutin ang publiko at palabasing matindi na talaga ang kriminalidad sa NCR? Pero bakit? Huwag naman sana. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”