Abante Tonite Interactive

‘Wag nang magbigay ng palugit sa war on drugs

By
15

Nagmumukhang walang isang salita si Pangulong Duterte dahil sa mga pangako nito at pagtatakda ng palugit upang wakasan ang problema sa illegal drugs sa bansa.

Noong kampanya sa eleksiyon ay sinabi ni Duterte na 3-6 months ay kaya niyang­ wakasan ang problema sa iligal na droga­ sa bansa.

Pero makalipas ang 6 na buwan ay humingi pa ito muli ng palugit hanggang sa pinakahuli noong kamakalawamg araw ay humirit pa ulit ng 1 taon na palugit.

Sa mga taong nakakaintindi at mapagmasid ay napakala­bong matapos pa sa loob ng isang taon ang nasabing problema.

Baka nga kahit sa pagkatapos ng termino ni Pangulong Duterte sa taong 2022 ay hindi pa rin  masusugpo ang problema sa illegal drugs.

Hindi kasi puwedeng madalian ang solusyon sa malawak at malalang problemang ito.

At lalong malabong magwakas ang problema sa droga sa pamamagitan nang pagpatay ng mga drug suspects.

Mas makakabu­ting huwag ng magtakda ng palugit ang Pangulo sa halip ay tiyakin na lang nito na epektibo ang kanyang estratehiya sa paglutas sa problema sa droga.

Sa ngayon ay ma­labong malutas ang problema dahil hindi­ naman tinutumbok ang tunay na ugat ng problema.

Partikular na tinutukoy natin ay ang mga bigtime drug lord na patuloy na namamayagpag na ang iba ay nasa loob pa ng bilibid pero tuloy ang operasyon at gayundin ang drug smuggling sa bansa.

Sa napuslit nga na 6.4 bilyong piso na halaga ng shabu sa Bureau of Customs ay hindi pa rin na naparusahan ang responsable dito at ang kawawang nadiin ay ang careta­ker ng bodega.

Laging ang maliliit­ na tao na lang ang ­unang tinatamaan ng war on drugs tulad ng mga pipitiyuging drug pusher pero sa mga bigtime drug lord ay masyadong matumal­ kung kaya’t mahihirapang masugpo ang problema sa illegal drugs dahil patuloy ang pagbaha ng suplay ng droga sa bansa.