Abante Tonite Interactive

‘Wag natin hayaang mamayani ang ‘baboy’ sa Maynila

235

Talaga namang nakalulungkot at nakakadismaya kung paano nagpakita ng sobrang kababuyan at kawalang respeto sa batas, sarili at mamamayan ng Maynila ang ilan nating kababayan na tila galit sa kaayusan.

Hindi naman na marahil lingid sa inyong kaalaman ang naging bunga ng aking ginawang mada­ling-araw na sorpresang pagbisita sa Ylaya, Divisoria nitong nakaraang Lunes lamang.

Magkakasakit ka talaga sa nagkalat na naglalakihang tumpok ng basura na iniwan lamang sa gitna mismo ng kalsada, habang makikita mo ang mga manininda na tila hindi man lang tinatablan ng hiya, dahil ultimo mga basura na nasa tabi o harapan na nila ay ni hindi nila pinupulot o winawalisan man lang. Pinanonood lang talaga nila at ‘yan ay nakunan mismo sa telebisyon.

Pinagbigyan natin ang mga vendor na makapagtinda tuwing gabi dahil sila ay ating inuunawa, bilang isang galing din naman sa hirap.

Walang anumang hinihingi ang pamahalaang lungsod sa kanila kundi ang gantihan ng malasakit ang siyudad sa pamamagitan ng pagpapanatili ng kaayusan at kalinisan sa lugar na kanilang nasasakupan. ‘Yun lang. Pero walang nangyari.

Kaya naman napakasakit para sa inyong lingkod ang mapilitan na turuan sila ng leksyon sa pamamagitan ng pagbawi ng pribilehiyong makapaninda. Kailangan itong gawin upang magsilbing aral sa lahat, na kapag ang isang pribilehiyo ay iyong inabuso o binalewala, maaari itong bawiin sa ‘yo.
Bilang gantimpala naman sa kabilang dako ng Divisoria kung saan ang mga manininda ay nagawang mapanatili ang kaayusan at kalinisan sa kanilang hanay, patuloy natin silang pinayagan na makapaninda doon. Nagpakita sila ng malasakit hindi lamang sa kanilang sarili kundi maging sa pamahalaang lungsod.

‘Yun pa ang nakapagtataka. Kung nagawa sa kabilang dako, bakit hindi sa Ylaya?

Ang malungkot na pangyayaring ito ay sinundan naman ng isa pang pambababoy. ‘Yan ay sa city hall underpass na nagkokonekta sa city hall at Intramuros.
Ang mga bagong gawa at bagong pinturang pader ng nasabing underpass ay inisprayan ng pulang pintura ng isang grupo na nagsasabing mga ‘ar­tist’ daw sila. Mga slogan na laban sa national go­vernment ang kanilang ini-spray sa nasabing mga pader na parang sulat-kamay ng musmos. Tapos sasabihin ‘art protest’.

May mga ulat na nagsasabing maka-kaliwa raw ang grupong ‘yan. Wala sa akin kung anuman ang kanilang paniniwalang politikal o kung anong klaseng grupo man ang kanilang kinaaaniban.

Ang sa akin lang, nakakagalit ang ginawa nilang pambabastos sa mga mamamayan ng Lungsod ng Maynila na sa kasalukuyan ay sama-samang umuusad para sa isang maayos at malinis na lungsod, matapos itong iwanang dugyot at nanli­limahid nang nakalipas na administrasyon.

Sa kaso ng Ylaya at underpass, hindi biro ang ipinuhunang pagod at trabaho ng maraming tauhan ng city hall para lamang maging maayos at malinis ang mga ito, bagay na ikinatuwa naman ng mga taga-Maynila at mga dumadaan doon.
Doon sa mga nambaboy ng mga pader sa city hall underpass, habang binabatikos nila ang diumano ay mga pagkakamali sa panig ng gobyerno, heto sila at gumagamit ng maling pamamaraan para ipahayag ang kanilang mga hinaing sa buhay.

Nasaan ang pagiging makatao ng mga ito? Pawang maliliit na trabahador ang naperwisyo sa ginawa nilang bandalismo. Ang mga trabahador na ito ang siyang nagpakapagod at nagpuyat upang linisin, ayusin at pagandahin ang naturang underpass.

Sa ginawang pambababoy ng mga nasabing grupo, ang maliliit na trabahador ang siyang direktang naabala at napagod dahil sila ang nagpa­kapagod na burahin ang mga isinulat sa pader. Sila ang nagkuskos at sila rin ang muling nagpintura. Makatwiran ba ito? Porke ba maliliit na trabahador ang mga ito eh pupuwede nang balewalain kesehodang paulit-ulit silang mapagod?
Sana lang, doon sa mga grupo na nagsasabing sila ay para sa maliliit na mamamayan ng bansa, iayon nila ang kanilang mga ikinikilos sa ipinagsisigawan nilang prinsipyo kuno.

Kung sinasabi nilang may mali sa gobyerno, lalo namang mali ang pambababoy ng public property. Hindi ito ang sagot at hindi rin magandang ehemplo sa kabataan. Kahit kailan, hindi maitutuwid ang isang mali ng isa pang pagkakamali.

Sa mga taga-Maynila, tulungan ninyo ang pamahalaang lungsod na labanan ang mga gustong bumaboy sa ating lungsod.
Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ring mga Batang Maynila. God first!
***
Maaari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking lehitimong Facebook account — ‘Isko Moreno Domagoso’.