Abante Tonite Interactive

‘Wag okrayin ang Okra

520

Pirming sangkap ng mga lutong ulam ang okra o ‘lady finger’ sa Ingles – pakbet, sinigang, kare-kare at marami pang iba. Pero hindi maikakailang bihira lang ang taong may gustong kumain nito. Ina­ayawan ng marami ang okra dahil nakakaasiwa raw kapag nilunok na. May madulas-dulas kasi itong sangkap na animo’y laway.

Ang hindi natin alam, maraming health benefits ang okra! Siksik ito sa sustansiya kaya mabisang panlaban sa mga karamdaman.

Bukod sa abot-kayang presyo, isa ang okra sa maituturing na pinakamasustansiyang gulay – ayon mismo sa mga dietician.

Dahil rich in fiber, tumutulong daw itong magkaroon ng good digestion o mabilis na pagtunaw ng pagkain. Dahil regular ang pagdumi, naiiwasan ang constipation at diarrhea.

May soluble fiber ang okra kaya malaki rin ang maitutulong nito sa mga may diabetes at heart di­sease. Dumidikit sa soluble fiber nito ang excess cholesterol at toxins na kapwa inilalabas ng katawan sa pamamagitan ng pagdumi. Nababawasan din nito ang absorption rate ng sugar sa intestines.

OK din itong kainin kung nagpapapayat ka. Dahil may insoluble fiber din ang okra, pakiramdam mo’y lagi kang busog. ­Zero-fat ang okra kaya hindi ka tataba ­kahit pa lantakan mo ito. Katuna­yan, 25 calories lang ang half-cup ng lutong okra – isa sa pinakamababang calorie content sa ­lahat ng pagkain.

Ayon sa pag-aaral sa Amerika, maliit ang tsansang magka-cancer ng mga taong kumakain ng mga pagkaing mayaman sa glutathione. May mo­derate levels ng glutathione ang okra, gaya rin ng pakwan at avocado.

May antioxidants din ang okra gaya ng vitamin A, beta-carotene, xanthin at lutein na nakatutulong para mapalinaw ang pa­ningin ng isang tao. Ayon sa ibang eksperto, naiiwasan din ng pagkain ng okra ang posibleng kaso ng katarata.

Dahil mayaman din sa vitamin C ang okra, nakatutulong din daw ito para labanan ang ubo at sipon. Nagpapalakas din ito ng immune system.
May health benefits din ang pagkain ng okra sa mga buntis at nagpapasusong ina. May folic acid kasi ito na nakatutulong para mabawasan ang ­nueral tube defects para sa mga sanggol.

Ang sa akin lang – bago natin okrayin ang okra, alamin muna natin ang health benefits na dulot nito. Tiyak na makikinabang ang ating kalusugan.