Abante Tonite Interactive

‘Wag pabiktima sa sindikato, pag-ampon idaan sa DSWD

By
173

Nagbabala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa publiko laban sa nauuso umanong pag-aampon ng bata sa pamamagitan ng social media.

Sa isang legal adoption media forum, sinabi ni DSWD Assistant Secretary Glenda Relova na itinuturing nilang scam ang pag-aampon gamit ang social media dahil peligroso ito para sa mga bata at magulang.

“We warn the public not participate in such scams, kami sa DSWD we have this forum and a month-long celebration of the adoption consciousness to inform everyone that the adoption process is not that tedious. Dadaan muna sa DSWD administratively nang walang bayad, afterwards the judicial process will start,” paliwanag ni Relova.

Sinabi naman ni Marikina City Regional Trial Court Branch 168 Judge Lorna Catris-Chua Cheng na hindi dapat pagkatiwalaan ang online adoption dahil mga miyembro ng sindikato sa human trafficking ang mga karaniwang nagkukunwaring magulang na nais umampon ng bata.

Magreresulta rin aniya ito sa simulated birth kung saan nagpapakilala ang mga umampon bilang tunay na magulang na aniya ay isang anyo ng pamemeke sa civil registry ng bata.

“Delikado ang simulated births lalo na kung hindi maganda ang ugali ng mga kaanak ng adoptive parents. Lalo na kung mayaman ito. Maaaring magsampa ng kaso ang mga kamag-anak para sila ang makakuha ng mana at hindi yung inampon,” dagdag ng hukom.

Sinabi naman ni Relova na magpapadala sila ng mga social worker sa tirahan ng mga umampon gamit ang social media o pumayag sa simulated birth para payuhan ang mga ito na idaan sa ligal na paraan ang kanilang pag-ampon.