Abante Tonite Interactive

‘Wag pagdudahan na may suhulan sa Marcos electoral protest

0 357

Muling ipinagpaliban ng Supreme Court (SC) na tumatayong Presidential Electoral Tribunal (PET) ang botohan sa election protest ni da­ting Senador Bongbong Marcos laban Kay Vice President Leni Robredo.

Noong nakaraang linggo ay napaulat na mayroon na umanong desisyon ang SC at lumitaw ang umano’y resulta ng botohan na 8-6 pabor kay Marcos.

Mariing pinabulaa­nan mismo ni SC Chief Justice Lucas Bersamin na mayroon nang desisyon ang SC at kaniyang tiniyak na hindi pa natatalakay sa en banc ang nasabing election protest.

Kahapon ay muling ipinagpaliban ang botohan ng SC sa kanilang en banc session at posibleng sa susunod na Martes pa mailabas ang desisyon.

Iba’t ibang mga ulat na ang lumalabas dahil sa pagkabitin ng resulta ng desisyon ng SC.

May napabalita rin na may umiikot umano na halagang P150 milyon upang ipangsuhol sa SC para paborable ang desis­yon kay Marcos.

Hindi dapat na pagdudahan ang katapatan at kredibilidad ng mga mahistrado ng SC at lalong hindi dapat na pagbintangan na nasusuhulan ang ating mahistrado dahil mala­king kasiraan ito sa ating sangay ng Hudikatura.

Naniniwala ako na mismong si CJ Bersamin at lahat ng mahistrado ay hindi magpapasuhol at hindi sisirain ang kanilang pagkatao at integridad para lamang may paboran sa isang kaso.

Samantala, sa dedesis­yunang election protest case ay si Marcos ang masasabing tabla-talo dahil kapag hindi napa­boran ay tuluyan nang madidismis ang kaso.

Si Vice President Leni Robredo naman ay tabla-panalo, sa madaling salita ay walang talo anuman ang desisyon ng SC.

Kung paboran kasi si Marcos ay tuloy lang ang bilang at magpapatuloy rin si Robredo sa kaniyang tungkulin bilang vice president ng bansa.

Sa naunang binilang na tatlong probinsya na pinili ni Marcos na Iloilo, Camarines Sur at Negros Oriental ay tumagal ng 3 taon ang botohan at ilang taon pa kaya ang gugugulin sa natitirang 22 probinsya kung kaya’t malamang na tapos na ang termino ni VP Robredo ay hindi pa nareresolba ang nasabing kaso.