Abante Tonite
Mabilis sa Balita

‘Wag paloko sa karne online sale

0 546

Nagbabala ang National Meat Inspection Service (NMIS) sa publiko na mag-ingat sa pabili ng mga produktong karne na nilalako ng mga online seller dahil posibleng kontaminado ng bakterya ang mga ibinebenta dito.

Base sa inilabas na abiso sa publiko ng NMIS, isang attached agency ng Department of Agriculture (DA), dahil hindi aktuwal na nakikita ang mga karne na binebenta online, walang paraan ang mamimili na malaman ang kalidad nito at ang pinagbabatayan lamang nila ay ang “textual description and images” na binibigay ng seller.

“In buying highly perishable food like meat, any inaccurate, false, or exaggerated presentation of facts may cause potential food safety hazard,” ayon pa sa NMIS.

Hinihikayat din nito ang publiko na mas mainam na bumili o tangkilikin ang mga ibinebentang karne sa mga lokal na pamilihan kung saan makikita ng aktuwal ang mga panindan kung ito ay sariwa at malinis.

Inabisuhan din ng NMIS ang mga konsyumer na bumili ng mga meat product mula sa mga lisensiyadong suppliers lamang at ito ay maaaring ma-check sa kanilang website na www.nmis.gov.ph para malaman ang mga impormasyon hinggil sa mga detalye ng delivery.

Tandaan din umano na dapat laging nakalagay sa cooler o saradong dontainer ang mga panindang karne para lagi itong sariwa at maiwasan ang pagkabulok.

Sa mga imported na karne naman, dapat na mapanatiling frozen ito hanggang sa bago pa iluto.

Payo ng NMIS, malalaman ng mga konsyumer kung sariwa ang biniling karne sa pamamagitan ng amoy at kulay nito gayundin kung ito ba ay malambot o matigas.

Nabatid na naglabas ng abiso sa publiko ang NMIS dahil na rin sa `online shopping boom’ sa gitna ng COVID-19 pandemic at sa mga natanggap na report na may mga frozen pigeon at imported chicken galing China ang binebenta sa pamamagitan ng online messaging apps.(Dolly B. Cabreza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.