Abante Tonite Interactive

‘Wag pumatol sa holy war

By
7

Umapela ang isang senador sa publiko, lalo na sa mga Kristiyano, na huwag patulan ang ginagawang pang-uudyok ng teroristang Maute Group na magalit ang mga Kristiyano sa mga kapatid na Muslim dahil taktika lang ito upang sumiklab ang “Holy War” sa bansa.

Ayon kay Sen. Juan Miguel Zubiri, bahagi ng propaganda ng terorista ang ginawang pagsira sa St. Mary’s Cathedral sa Marawi City upang sa gayon ay mag-init ang ulo ng mga Kristiyano laban sa mga Muslim.

“Unang reaksyon natin eh galit na galit tayo, gusto nating bumawi pero hindi naman lahat ng Muslim eh ganyan,” ani Zubiri.

Aniya, hindi na kaila­ngang patulan pa ng mga Kristiyano ang ginawang pagsira ng Maute Group sa nasabing simbahan dahil kung papatulan natin ito ay parang pumasok na rin tayo sa isang patibong upang sumiklab ang holy war sa bansa.

Sinabi pa ni Zubiri na pinipilit ng mga terorista­ na mag-away ang mga Kristiyano at Muslim sa Mindanao dahil nakikita nilang maganda ang samahan ng dalawang magkaibang relihiyon, lalo na sa Marawi City.

Kaugnay nito, napag-alaman naman ng senador mula sa mga sources niya sa intelligence community na hindi lang ang Marawi City ang gustong lusubin ng Maute Group kundi pati na rin ang mga katabing siyudad ng Iligan City at ang Cagayan de Oro City sa Misamis Oriental.