Abante Tonite Interactive

Waiter kay Ang Probinsyano Rep. Delos Santos: ‘wag kang sinungaling!

0 608

Humingi na ng tawad si Ang Probinsyano party-list Rep. Alfred Delos Santos kay Christian Kent Alejo, ang waiter na sinapak niya sa loob ng isang restaurant sa Legazpi City, Albay noong Hulyo 7.

Tinanggap na umano ni Alejo ang paghingi ng paumanhin sa kanya ng bagitong mambabatas pero sa kondisyong hihingi rin ito ng tawad sa taumbayan, sa harap ng media, at sasabihin kung ano ang totoong nangyari sa kanila sa loob ng restaurant.

Nabatid na nagtungo si Delos Santos sa taha­nan ni Alejo para humi­ngi ng tawad dito ganu’n din sa pamilya nito.

“Pumunta siya dito sir. Humihingi siya ng dispensa. Ang sabi ko, ‘Kung hihingi ka ng dispensa, mag-sorry ka sa taumba­yan na may media. Sabihin mo kung ano ang totoo,’” pahayag ni Alejo sa panayam sa kanya sa radyo.

Nauna rito ay inihayag ni Delos Santos na uminit umano ang kanyang ulo dahil sa hindi maayos na pagkakalagay ni Alejo sa placemat sa kanilang lamesa.

Sinabi pa ni Delos Santos na may binubulong pa si Alejo dahilan kung kaya’t hindi na siya nakapagtimpi. Pero itinanggi naman ni Alejo na may sinabi siyang masama laban sa mam­babatas.

Ayon kay Alejo, kitang-kita naman sa closed-circuit television (CCTV) ang buong pangyayari.

“Paalis na po ako, tinawag niya po ako. Ang sabi niya sa akin, ‘Bakit ang sama mo makatingin?’” kuwento ni Alejo. “Ang sagot ko doon, ‘Di naman po sir,” ani Alejo.

Samantala, mariin ding itinanggi ni Alejo na may kapalit ang paghingi sa kanya ng paumanhin ni Delos Santos nang pumunta ito sa kanilang bahay.

Reaksyon ito ni Alejo kaugnay sa ispekulasyon ng ilang netizen na na­ngingikil lamang siya ng pera mula sa kongresista.

Sabi ni Alejo, wala siyang hinihingi na anumang kapalit, kahit piso, mula kay Delos Santos.