Abante Tonite Interactive

Waiting ng sundo, 5-anyos nasagasaan

0 311

Lasog-lasog ang katawan ng limang taong gulang na batang lalaki matapos na masagasaan ng isang sport utility vehicle (SUV) habang naghihintay ng sundo sa kanilang paaralan sa Santiago City, Isabela kamakailan.

Namatay noon din ang biktimang si Jhedai Dimayacyac nang masagaan ito ng sasakyan na minamaneho ni Eloisa Joy Casabar, 28-anyos.

Ayon kay Casabar, hindi niya namalayan na bata ang kanyang nabundol at inakalang bato lang ang nasagasaan ng minamaneho niyang sasakyan.

Base sa report, kalalabas lamang ng biktima at ng kapatid nitong babae sa kanilang paaralan sa St. James the Apostle sa Centro West, Santiago City nang makita ng kanilang sundo.

Pinaghintay umano ang magkapatid ng sundo nila sa gilid ng kalsada sa labas ng paaralan para kunin ang service tricycle nito.

Habang naghihintay, humingi ang biktima ng pera sa kanyang ate pero hindi ito binigyan kaya nagtampo at umupo na lamang sa daan na sakto namang may padaan na sasakyan at nasaga­saan siya.

Kinasuhan na ang nakasagasang si Casabar ng reckless imprudence resulting in homicide pero humihingi ng hustisya ang pamilya Dimayacyac matapos malaman na nakalaya si Casabar matapos itong pansamantalang ikulong sa Santiago City Police Station.

Samantala, bigla namang napauwi mula sa Japan ang ama ng biktima nang malaman ang sinapit ng kanyang anak at halos hindi ito makakilos nang makita ang bangkay ng anak. (Vick Aquino)