Abante Tonite Interactive

Waitress sinapak ng chef sa pagkain ng chicharon

By
1,467

Inaresto ng mga awtoridad ang isang Chinese national makaraang suntukin nito ang kasamahan niyang waitress nang maaktuhan ito na kinakain ang isang piraso ng chicharon sa loob ng pinaglilingkuran nilang restaurant sa Parañaque City kamakalawa ng gabi.

Nakilala ang dayuhan na si Wang Yongbin, 27-anyos, stay-in chef sa Reyes Eatery na matatagpuan sa Quirino Avenue, Brgy. Tambo ng naturang lungsod.

Nagtamo naman ng pasa sa mukha at katawan ang biktimang si Rutchel Taer, 32-anyos, waitress sa nasabing restaurant.

Batay sa report na natanggap ng Southern Police District, nangyari ang insidente alas-7:40 ng gabi sa loob ng kusina ng Reyes Eatery.

Nabatid na kinain ng biktima ang isang pirasong chicharon kung kaya’t nagalit ang suspek at sinuntok nito ang babae hanggang sa natumba ito sa sementadong sahig.

Dahil sa inabot na sakit ng katawan ay nagharap ng reklamo sa pulisya ang biktima kung kaya’t inaresto ang suspek na nahaharap ngayon sa kasong slight physical injury.