Abante Tonite Interactive

Wala ang pusa, naglaro ang daga

642

Tila isang uhaw na daga na nakawala sa matagal na pagtatago sa madilim na lungga dahil sa pagbabantay ng laging nakaabang na pusa ang dayuhang mestisuhin at guwapong player na ito sa kanyang pagtungo sa bansa.

‘Di inaasahan ng isang kapwa nito manlalaro na makikita ang iniidolong sikat na atleta sa isang eksklusibong lugar kung saan nagkikita-kita ang mga nagtatangkaran, naggagandahan at mala-diyosang mga kababaihan.

Inaasahan na talaga sa isang pribado at eksklusibong lugar magtutungo ang player dahil sa kanyang popularidad tapos na isinagawa ang aktbidad sa bansa.

Nakapaligid ang mahihigpit na mga bantay kay player, pero nakaeskapo pa rin nito na maisabay sa kanyang pagpapahinga at pagtatrabaho ang makatikim ng kakaibang putahe.

‘Di malubos maisip ng nakakitang player na isang malaking party ang magaganap dahil mas marami pa ang mga kababaihan na dumalo kumpara sa bilang ng kalalakihan.

Bago nawala sa paningin ni player ay limang tila mga diyosa ang kausap ng kanyang iniidolong manlalaro.

Napangiti na lang si player dahil kasama ng kanyang idolo ang lima na pribadong umalis at iniwan ang party.

Spice of Life nga naman. Tsk, tsk, tsk! (Lito Oredo)