Abante Tonite Interactive

Wala nang aasahang pagbaba sa presyo ng bilihin

By
101

Nagsimula na ang ‘ber months’ kaya wala nang maaasahang pagbaba sa presyo ng mga bilihin hanggang sa matapos ang 2018.

Sana man lamang ay huwag na sumirit nang husto ang halaga ng mga bilihin.

Pangunahing kaila­ngan sa hapag-kainan ng mga Filipino ay bigas at isda. ‘Di bale nang walang karne at iba pang putahe basta’t meron lamang kanin kahit tuyo o sardinas lang ulam, talo-talo na.

Sa mahihirap na Filipino, ang katagang ‘sustansiya’ sa mga kinakain ay hindi gaanong nabibigyan ng pansin. Gustuhin man ay hindi kakayanin dahil limitado lamang ang ‘budget’.

‘Wag lang magutom at laging may laman ang tiyan, kahit ano ang nakahain kakainin. Wala sa kanilang boka­bularyo ang salitang ‘balance diet’. Para lamang ito sa mayayaman at may pera.

Para sa mga trabahador, kailangang kumain nang maraming kanin kahit konti lang ang ulam para lumakas at makayanan ang mabi­gat na trabaho sa buong maghapon.

Ang malupit, hindi na nga ‘masustansiya’ ang pagkain may bisyo pa ang mga ito tulad ng sigarilyo.

***

Napag-uusapan na rin lamang ang ‘sustansiya’ ng pagkain, ang mga ‘food expert’ sa buong mundo hindi lamang sa Pilipinas ay abala sa pagsasaliksik kung papaano mapapahaba ang tinatawag na ‘shelf life’ ng mga produktong agrikultural tulad ng bigas, ulam at prutas.

Ang salitang ‘genetically modified’ na pagkain o tinatawag na ‘GMO’ ay bahagi na sa pang-araw-araw na pagkain ng mga Filipino.

Ano ba ang GMO? Hanggang sa ngayon ay mainit pa rin ang debate sa teknolohiyang ito na may kinalaman sa pagkain. Ang pagkaing ito ay resulta ng pagsasaliksik sa lara­ngan ng ‘genetic engineering’.

Ang mga produktong resulta ng ‘genetic engineering’ ay tinatawag na ‘genetically modified organism’ o GMO. Pangunahing katangian ng mga ‘GMO product’ ay insect resistant.

Sa mga nagsusulong ng teknolohiyang ito, sila ay naniniwala na ito ang sagot sa ‘food requirement’ ng lipunan sa hinaharap.

Sa mga kontra, delikado ito sa kalusugan ng mga tao, at banta sa kapaligiran at kalikasan dahil sinisira ang ‘na­tural habitat’ ng mga insekto na kailangan sa pagpapanatili ng balanse sa kapaligiran.

***

Habang mainit ang pagtatalo ng mga eksperto, sa Pilipinas ang mga pagkaing Pinoy na may sangkap na mula sa GMO, ayon sa mga ‘avai­lable data sa internet’ ay ang sumusunod: hotdog, cheese, kape, fruit juice, corned beef, itlog at maging mga panghimagas, tulad ng chocolate bars.

Ilan lang ito sa mga paboritong almusal ng mga Pinoy na mayroong tinatawag na Textured Vegetable Protein (TVP) resulta ng ‘genetically modified organism’.

Habang may pagtatalo, hindi ba dapat itigil muna ang pagkakaroon ng TVP sa mga pagkaing almusal ng mga Filipino. Paano kung mayroon tala­gang negatibong epek­to sa kalusugan ng mga tao? Nasa ‘label’ kaya ng mga produkto ang salitang TVP?

Nagtatanong lang po.