Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Wala nang cash aid, pautang na lang – Malacañang

0 84

Wala nang ibibigay na tulong pinansiyal ang gobyerno para sa mga mahihirap na Pilipino na apektado ng COVID-19 pandemic.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na walang inilaang pondo para sa Social Amelioration Program (SAP) sa ilalim ng panukalang 2021 national budget.

Maging sa Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2 aniya ay wala nang tulong pinansiyal na ipapamigay. Sa halip na cash aid ay tulong pangkabuhayan na umano ang ibibigay ng gobyerno sa mga mamamayan.

“Tapos na po iyong pagbibigay lamang ng ayuda dahil hindi na po natin plano na magkaroon ng malawakang lockdown,” ani Roque.

Ilulunsad aniya ng gobyerno ang bagong kampanya na “Ingat Buhay para sa Hanapbuhay” kung saan magpapautang ang gobyerno sa mga tao para makapagsimula ng negosyo at pagkakitaan.

Sinabi ni Roque na tuturuan ng gobyerno ang mga Pilipino na magnegosyo kahit sa maliit na puhunan dahil isa itong paraan para makatindig sa sariling paa ang mamamayan.

“Magpapautang po tayo at ito ay manggagaling sa DTI, DOLE at sa DA sa pamamagitan ng loan grant. Ilulunsad po natin itong bagong kampanya na pinangalanang `Ingat Buhay para sa Hanapbuhay’,” sabi ni Roque.

Idinagdag ni Roque na ito ang layunin ng Bayanihan 2 para lahat ng sektor ay sama-samang tumulong sa pagbangon ng bansa mula sa matinding epekto ng COVID-19 pandemic. (Aileen Taliping)

Leave A Reply

Your email address will not be published.