Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Wala ng SAP para sa mahihirap

0 127

Wala ng aasahang tulong-pinansiyal ang maraming mahihirap na Pilipino mula sa gobyerno lalo na sa susunod na taon.

Hindi kasi naglaan ang gobyerno ng pondo sa 2021 proposed national budget para sa social amelioration program (SAP)gaya ng ibinigay na ayuda sa ilang milyong pinaka-mahihirap na Pilipino noong kasagsagan ng COVID -19 sa bansa.

Sa halip na ayuda sa pera, magpapautang ang gobyerno para makapagsimula ng negosyo at hanapbuhay ang mga Pilipino.

Batay sa paniwala ng economic managers, malaking bagay na maturuan ang mahihirap na sektor na magbanat ng buto sa halip na naghihintay na lamang at umasa ng tulong mula sa gobyerno dahil unti-unti na rin namang nagbubukas ang ekonomiya kaya dapat na sumabay ang lahat para makabawi ang bansa.

Aasahang maraming grupo na naman ang mag-iingay at isisi sa gobyerno ang dinaranas na kahirapan dahil sa COVID crisis. Pero kung iisipin, may katwiran ang pamahalaan na turuang maghanapbuhay ang maliliit na sektor para hindi habangbuhay na umaasa lamang.

Lahat ng Pilipino ay naapektuhan ng COVID crisis at hanggang ngayon ay sinisikap na makabangon gaano man kahirap ang buhay.

Malimit nating marinig na matatag at madiskarte ang mga Pinoy kahit na ano pa mang pagsubok ang dumating o maranasan pero marami rin ang walang kusang-palo at ayaw gumawa ng paraan kaya umaasa sa tulong ng iba.

Noong kasagsagan ng pamamahagi ng ayuda, hindi lahat ng nabigyan ay nasa bracket ng “isang kahig isang tuka” dahil may mga nakatanggap na mga nagkunwaring mahirap. Ang masakit nito, ang perang tinatanggap sa gobyerno ay ipinambili ng luho gaya ng gadgets o kaya ay nagpaganda at nagpa-rebond ng buhok.

Alam ng gobyerno ang mga Pilipinong nagpanggap at nagsamantala kaya naman sa pagkakataong ito ay wala ng ayuda, wala ng SAP para sa mga mahihirap.

Gaya nga ng kasabihan , huwag gawing pala-asa ang mga tao, bagkus ay turuan ang mga ito na gumawa ng paraan para mabuhay.

Ganyan ang baging konsepto ngayon ng gobyerno. Kailangan mag-ingat sa peligro ng COVID. Pag-ingatan ang buhay para tayo ay makapaghanapbuhay.

Leave A Reply

Your email address will not be published.