Abante Tonite Interactive

Wala pang US ban

351

Inimbitahan ni President Donald Trump si Pangulong Rodrigo Duterte na dumalo sa US-ASEAN Summit ngayong Marso sa Las Vegas, Nevada. Kung tatanggapin ni Duterte ang imbitasyon, kaila­ngan niyang isama ang ilang miyembro ng gabinete.

Ang malaking katanungan. Papasukin kaya sa Amerika ang ilang opisyales ni Pangulong Duterte tulad ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo? Sa ilalim ng 2020 budget ng US, may probisyon doon na nagbibigay ng kapangyarihan sa State Department na pagbawalan makapasok sa kanilang bansa ang mga opisyal na nagpakulong kay Senador Leila de Lima.

Kabilang si Pa­ngulong Duterte sa gustong ipa-ban ni De Lima sa US. Pero dahil sa imbitado siya ni Trump, lumalabas na wala pa silang pinaiiral na ban. Suspetsa ng senadora, sumasailalim sa ilang “internal process” ang US government kaya hindi mapairal ang ban.

Tila ineengganyo pa ni De Lima si Pa­ngulong Duterte na patulan ang imbitasyon ni Trump. Kapag pinagbawalan kasing makapasok ang Pa­ngulo o kahit mga bitbit lang na opisyales nito, malaking kahihiyan ang idudulot nito sa delegasyon.

Pero hindi ito gagawin ni Trump dahil mawawalan siya ng kaalyado sa Southeast Asia. Para na rin niyang binastos ang kanyang mga bisita dahil siya mismo ang nag-imbita.

Hindi rin siguro papatulan ni Duterte ang imbitasyon. Matagal na niyang sinasabi na ayaw niyang magbiyahe ng matagal lalo na sa Amerika na aabutin ng 14 oras.

Malalaman lamang kung may pinapairal nang ban kung may opisyales ni Pangulong Duterte ang magtatangkang magbakasyon sa Amerika. O yung mga miyembro ng House committee on justice na magliliwaliw sa lupain ni Uncle Sam.