Abante Tonite Interactive

Wala sa lugar ang ngawngaw ng cement importers

By
12

Nakakapagduda ang nililikhang pag-iingay ngayon ng isang grupo ng mga importer ng semento at binabanatan ang Department of Trade and Industry dahil naglabas ng bagong kautusan ang Department Administrative Order o DAO 17-05:2017 na nagtatakda na kaila­ngan ng mga importer na kumuha ng import commodity clearance o ICC para sa inaangkat nilang semento.

Maitanong lang sa grupo na ayaw namang magpakilala at puro ano­nymous sources lamang ang ginagamit sa kanilang mga banat na press ­release, ano ang gusto n’yo?

For your information mga nag-iingay na cement importers, hindi semento­ lamang ang produktong saklaw ng ICC requirement ng DTI. Marami po ito, ­libu-libong produkto, basta imported, ay sakop nito.

Kabilang sa mga ito ang mga Christmas light, electric fan, chemicals at lahat ng mga produktong posibleng makaapekto sa kalusugan at kaligtasan ng mga consumers.

Halos lahat ng mga cons­truction materials na imported ay mayroong ICC dahil ito ang paraan ng gobyerno upang tiyaking hindi substandard ang mga ipinapasok na produkto sa bansa, o kaya naman ay expired na.

Delikadong produkto ang semento. Kung mahinang klase ito o kaya ay expired, o kulang sa tibay o tamang sangkap, kapag binili ito at ginamit ay mala­mang marupok din ang itinayong bahay o gusali. Malaking posibilidad na gumuho ang istraktura.

Dito pa naman sa Pilipinas, malimit ang lindol at malalakas na bagyo at pagbaha. Kung pipitsugin ang semento, baka buong pamilya mo ay mapahamak. Malaking disgrasya.

Ang ipinagtataka ko lang ay kung bakit ayaw ng mga importer na ito na masuri muna ang mga sementong ipinapasok nila sa Pilipinas. Hindi kaya dahil palpak ang kanilang semento? Mahinang klase at hindi papasa sa quality and safety testing ng DTI?

Imagine, wala silang pakialam kung mapahamak man ang mga consu­mers dahil ang importante sa kanila ay kumita ng ­limpak-limpak na salapi. Ibig sabihin, bahala ka na sa buhay mo, Juan dela Cruz.

Ang matindi pa kapag nadisgrasya, sino ang ­hahabulin natin?

Dahil kapag imported ang semento at walang ICC, wala sa supot ng semento ang pangalan ng importer o ang ­address ng kumpanya nila. ‘Yung manufacturer lang na nasa ibang bansa ang nakalagay na pangalan sa imported na semento. Paano mo sila hahabulin?

Siyempre, hindi papayag si DTI Secretary ­Ramon Lopez sa maitim na balaking ito ng mga ­cement importers.

Napakatibay kaya ng prinsipyo ni Sec. Mon pagdating sa consumer protection. Pero kahit alam na­ting pader si Secretary Lopez, dapat ay suportahan siya ng publiko laban sa mga banat ng kung sinu-sinong nagtatago sa dilim.

Walang kakayahan­ ang ordinaryong consu­mers na suriin at alamin kung gaano ba kataas o kabulok ang uri ng sementong nasa merkado. Kaya nga hinihingan sila ng ICC para matiyak ang kalidad at kaligtasan ng mga produkto. ‘Yan ang trabaho ng gobyerno, partikular ang DTI, na ginagampanan ni Secretary Lopez.

Kaya nag-iingay ng ganito ang mga importer na ito dahil malaking hadlang sa kanilang mga ba­lak si Secretary Lopez.

Kung matumba nga naman ang pader na nagbibigay ng proteksyon sa mga consumers, libreng-libre na silang gawin anuman ang gusto nila.

Ang masakit nito, ang maliliit na consumers, lalo na ‘yung mga nasa liblib na lugar, ang tunay na mala­lagay sa peligro kapag pumasok ang mga substandard at expired na semento.

Halimbawa na lamang sa sitwasyon sa Marawi City paano kung sa oras na matapos ang gulo doon, tiyak na kanya-kanyang repair ng nasirang bahay ang mga residente at mangangailangan sila ng mga cons­truction ­materials ­gaya ng semento.

Huwag naman sana pero paano kung matsambahan nilang mabili ang bulok na semento na hindi­ dumaan sa pagsusuri, aba’y dobleng beses silang nabiktima ‘pag nagkataon?

Kaya dapat ‘wag magpatinag sa mga nagnga­ngangawngaw na mga importers para talagang maobliga silang sumunod sa DAO 17-05:2017 kung hindi tantanan na nila ang pagnenegosyo sa ating bansa dahil kapahamakan lang ang kanilang idudulot.