Abante Tonite Interactive

Walang awang pagpaslang sa dalagang advertising executive

394

Ang mga ganitong kahalintulad na damdamin ng taong maagang nawawalan ng kanilang mahal sa buhay ay sumasalamin sa isang pamilya sa Las Piñas City na namatayan ng isa nilang miyembro na itinuturing pa naman nilang inspirasyon sa kanilang buhay.

Hindi na marahil mabubura sa kaalaman, hindi lamang ng pamilya, malalapit na kaanak at kaibigan ng pamilya Davantes, kundi sa iba pang mga nakasubaybay sa balita ang masaklap na kamatayang sinapit ng panganay sa tatlong magkakapatid sa kamay ng mga walang kaluluwang salarin na maagang tumapos sa buhay ng dalagang pumapaimbulog na sana sa larangan ng karerang matagal ni­yang inasam.

Buwan ng Setyembre ng taong 2011 nang matanggap bilang kawani ng isang marketing agency na nasa pangangasiwa ng McCann Worldgroup Philippines Inc, na may tanggapan sa Active Fun Building 9th Avenue, Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig City ang noon ay 23-anyos pa lamang na si Kristelle Devantes na lalung kilala sa palayaw na “Kae”.

Hindi naman nakapagtataka kung kaagad siyang matanggap sa na­turang kompanya lalo na’t kumpleto ang kanyang mga pinanghahawakang katibayan sa tinapos na kursong advertising at marketing.

Sana’y si Kae na mag-isang hanapin ang tamang landas na nais niyang tahakin dahil kahit nasa malayong lugar bilang mga overseas Filipino worker (OFW) ang kanyang mga magulang, nagagabayan pa rin silang tatlong magkakapatid ng wasto kaya’t lumaki silang may sariling paninindigan at may takot sa Diyos.
Si Kae ang pinakapa­nganay sa tatlong magkakapatid at sumunod sa kanya ang kaisa-isang lalaki na si Joshua at ang bunsong si Lysette.

Isinilang si Kae ng kanyang mga magulang na sina Mang Peddy at Aling Beth sa Saudi Arabia na bansang kanilang pinagtatrabahuhan noong Nobyembre 5, 1988.

Dahil may sarili naman silang tirahan sa isang pribadong subdivision sa Barangay Moonwalk sa Las Piñas City, sa Pilipinas nagsipag-a­ral ang magkakapatid at kahit nagtatrabaho bilang OFWs ang kanilang mga magulang, ang ka­patid ng kanilang ama na si Vince Davantes ang tumatayong pansamantala nilang guardian.

Hindi rin naman nagpapabaya sa tamang paggabay ang mga magulang ng magkakapatid dahil halos araw-araw naman ay nagkakaroon sila ng komunikasyon sa pama­magitan ng mga modernong teknolohiya.

Dahil busog sa panga­ral at paggabay ng kanyang mga magulang, bukod kay Vince ay tumatayo na rin bilang mga magulang ng dalawa niyang kapatid si Kae kaya’t sa mga nakababatang ka­patid niya ibinabahagi ang mga nakukuhang mabubuting payo at pangaral ng mga magulang.

Bunga ng walang sawang pagpapayo at pa­ngaral na ibinabahagi ni Kae sa magkapatid, bi­nansagan siya ng bunsong si Lysette bilang “Nanang” bagama’t hind ito isang uri ng negatibong pana­naw kundi isang biro para sa dalagang umaastang magulang.