Abante Tonite Interactive

Walang dapat magkampante sa Maynila

0 521

Una sa lahat, nais kong iparating ang aking taos-pusong pakikiramay, sampu ng aking pamilya at ng lungsod ng Maynila, sa naulilang pamilya ni Senador Tessie Aquino-Oreta na yumao noong Huwebes lamang sa edad na 75.

Ang aking pakikiramay higit lalo na kay Malabon City Mayor Antolin “Lenlen” Oreta, na matagal ko nang kaibigan, mula pa noong siya ay konsehal pa lamang hanggang sa siya ay maging vice mayor at ngayon nga ay alkalde.

Ang kanyang butihing ina na si Senator Oreta ay naging miyembro ng Senado sa loob ng 12 taon at ng Kongreso sa loob ng tatlong buong termino. Siya ay naglingkod nang buong katapatan at husay kaya naman siya ay ating pinasasalamatan para sa kanyang serbisyong ibinigay sa bansa. May she rest in peace at nananawagan din ako na samahan ninyo ako sa pananalangin para sa pananahimik ng kanyang kaluluwa.

***

Habang ‘welcome’ para sa Maynila ang desisyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) na maisama tayo sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ako ay mahigpit na nananawagan sa mga residente ng ating minamahal na lungsod — hindi dahilan ang kaganapang ito para tayo ay maging kampante, sa kahit na anong paraan, laban sa COVID-19.

Sa katunayan, ako ay humihiling sa mga taga-Maynila na dagdagan ang pag-iingat dahil inaasahan nating tataas ang bilang ng COVID-19 cases sa ilalim ng MECQ. Huwag ninyong ipagkamaling isipin na ang ibig sabihin ng pagkakalagay ng Maynila sa MECQ ay okay na tayo at wala nang COVID.

Kabilang sa mga epekto ng MECQ ang pagbibigay-daan upang ang ilang negosyo ay unti-unti nang mabuksan. Mabuti ito para sa ating lungsod dahil ang ating mga ka-lungsod ay makapagtatrabaho nang muli.

Habang `di maikakaila na ang COVID-19 ay nananatili sa ating paligid at nakamamatay pa rin, kailangan nating maghanap ng kaparaanan upang makapag-move on at maharap ang mga hamon na dala ng coronavirus.

Ayoko ng ‘hibernation’. Ayoko rin ng ‘stagnation’. Habang susubukan nating bumalik ang sigla ng ating kabuhayan at hinaharap ang sitwasyong dulot ng virus, kailangan nating itanim sa ating isipan na ang banta ng COVID-19 ay nasa tabi-tabi lamang kaya’t kailangan pa rin ang ibayong ingat at huwag magkaroon ng maling akala na tayo ay di tatablan o ligtas na.

Kaugnay pa rin ng MECQ, ang inyong pamahalaang lungsod ay maglulunsad ng mga action plans na magsisilbing giya para sa lahat habang tayo ay pumapasok sa bagong uri ng pamumuhay na tinatawag na ‘the new normal’.

Ito ay lubhang mahalaga sa gitna ng masamang balita na batay sa listahan ng Department of Health (DOH) mismo, hindi bababa sa 12 porsiyento ng mga asymptomatic case ay mula sa Maynila. Ito ‘yung mga virus carriers na akala mo ay normal dahil walang sintomas at hindi alam na siya ay nakahahawa na ng kanyang mga nakakasalamuha.

Ang obligadong physical distancing, madalas na paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng face mask at pananatili sa bahay hangga’t maaari ay malaki ang maitutulong upang maging ligtas kayo at ang inyong pamilya sa coronavirus.

Tanggapin natin na lahat ng ito ay bahagi ng ‘new normal’ na kailangan nating gawin sa lahat ng oras hangga’t walang gamot na natutuklasan laban sa COVID-19.

Hindi tayo maaaring maging kampante dahil hangga’t walang gamot, lahat tayo ay mananatiling nasa panganib, pati na rin ang ating mga pamilya at komunidad, kaya ibayong pag-iingat ang kailangan sa tuwing tayo ay lalabas ng tahanan at maski nasa loob din tayo ng bahay.

Habang kami sa lokal na pamahalaan ay nagtatakda ng sistema kung saan mas mabibigyan namin kayo ng mas maayos na pangangalaga laban sa naturang virus, maaari namang gawin ng mamamayan ang kanilang parte batay sa pag-iisip na ang COVID-19 ay magiging bahagi na ng ating pang-araw-araw na buhay sa ngayon.

Ang aming prayoridad sa ngayon, bukod sa agresibong ‘tracing, testing and treating’ ng mga nakakuha ng virus, ay ang pagtuklas ng mga paraan kung paanong ang lokal na pamahalaan, mga residente at mga komunidad ay makapag-function nang maayos at mamuhay sa buong taon nang hindi naisasakripisyo ang kanilang kaligtasan.

At habang kami na inyong mga opisyal ay nagpaplano nang maaga, ang tagumpay ng mga planong ito ay nakasalalay naman sa mga residente, na ang pag-iisip at mga kilos sa araw-araw ay siya namang basehan ng aming mga plano. Magtatagumpay lamang tayo kung ang bawat isang residente ay makikiisa nang todo.

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ring mga Batang Maynila. Manila, God first!

***

Maaari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account — `Isko Moreno Domagoso’.

Tonite – Wendys Inhouse Ad