Abante Tonite Interactive

Walang dating katropa para kay Klisura

By
1,269

Mga laro sa Martes:
(Malolos City Sports and Convention Center)
4:00 p.m. — Generika-Ayala vs Petron
6:00 p.m. — Smart vs Foton

Trabaho lang.

Mahirap para kay Serbian star Sara Klisura na labanan ang kanyang dating koponan, pero kailangan niyang maging propesyunal kaya inangklahan nito ang Cocolife sa 25-19, 25-22, 25-18 panalo laban sa Foton kahapon sa 2018 Chooks to Go-Philippine Superliga (PSL) Grand Prix sa FilOil Flying V Center-San Juan City.

Kumayod si Klisura ng 24 attacks kasama ang tatlong blocks at isang service ace para sa kanyang 28 points habang ang kapwa import na si Taylor Milton ay nilista ang 11 points at 19 excellent digs para sa Asset Managers na hinataw ang pangatlong sunod na panalo.

May 3-2 karta ang Cocolife habang ang former two-time tournament champion, Tornadoes ay nalasap ang pangalawang talo sa tatlong laro sa event na suportado ng Isuzu, UCPB Gen AT ESPN5.

“It was a little bit hard but I made it,” sambit ni Klisura na naglaro sa Tornadoes nakaraang taon. “I gave my best, but I need to check my emotions because they’re my former team.”

Hinawakan ni Serbian coach Moro Branislav ang Foton pero lumipat na ito sa Asset Managers kaya naging import ng Cocolife si Klisura.

Nirehistro nina reinforcements Brooke Kranda at Elizabeth Wendel ang tig 12 puntos habang sina Maika Ortiz ay nag-ambag ng walong puntos.