Abante Tonite Interactive

Walang forever sa traffic

241

Dear Abante Tonite:
Walang forever sa trapiko! Maiba lang sa lagi kong nababasa.
Ito na lang ang lagi kong isinasaksak sa isip ko, na ang traffic sa EDSA at C-5 ay may hangganan din, tulad ng pagsasama naming mag-asawa na nagtapos sa ika-pitong taon ng pagsasama, kahit pa ‘forever na pagsasama’ ang sinumpaan namin sa altar noong kami ay ikinasal.
Kaysa tuluyan akong mabaliw sa kakaisip kung hanggang kailan maiintindihan ng amo ko ang halos araw-araw ko na late sa trabaho, kahit pa madaling-araw na ang gising ko, umulan man o umaraw, ang trapiko ay hindi pa rin nagbabago! Sa ngayon!!!! ‘Yan ang paniniwala ko.
Bakit? Kasi nakikita ko naman na inaayos ang mga baku-bakong mga daan, kaliwa’t kanan na rin ang mga proyekto ng pamahalaan na pagpapatayo ng mga alternatibong mga daanan para makaiwas sa trapiko sa EDSA at C-5.
Maaari rin naman siguro na taasan ang pagbebenta sa mga sasakyan, para ‘yung mga nagkukunwaring kayang bumili ay mabaon sa utang kakabayad, o dili kaya isabatas na ‘yung mga walang sariling parking area sa loob ng bakuran kumpiskahin ang mga sasakyan (loob ng bakuran ha, hindi sa kalsada o harap ng bahay ng kapitbahay).
Para lang matigil na ang halos mga kabote na nasa lansangan, wala ng pinipiling oras e, lagi na lang kargado ang EDSA, C-5 at iba pang kalsada.
Kasi kahit ano pa ang gawin ng pamahalaan na pagpapalawak ng kalsada kung ang mga sasakyan naman ay ‘di mapigilan ang pagdami at walang disiplina, wala ring mangyayari.
Salamat muna sa ngayon sa trapiko na hindi pa ako natatanggal sa trabaho.
Aldren C. Cuaderno