Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Walang gana dahil sa COVID

0 224

Kapag stressed, pinakahuli na sigurong maiisip ng isang tao ang makipagtalik.

Simula nang magka-pandemya, maraming tao ang napilitang manatili sa bahay, nawalan ng trabaho at nag-aalala na baka makakuha ng Covid-19. Ang mga bagay na ito ay nakahadlang sa kanilang pagnanais na makipagtalik.

Sa isang random survey sa 9, 000 katao ng NBC News sa Amerika, 47% ang nagsabing nakaapekto ng negatibo sa kanilang sex life ang Covid. Dalawampu’t apat na porsiento naman ang nagsabing positibo ang naging epekto ng Covid. Ang dahilan ng ilan ay bunga ng lagi silang magkasama ng kanilang asawa sa bahay.

Sa isang pag-aaral naman sa China, lumabas na bumaba ang sexual activity sa mga kabataang lalaki at babae. Malaking dahilan dito umano ang kawalan ng pagkakataong makalabas o makapag-biyahe o magtungo sa mga lugar ng kasayahan.

Pero hindi lang ang pag-iisip tungkol sa Covid ang nakakahadlang sa libido. Maari ring maapektuhan ang organs ng taong kinapitan ng virus, na maaari namang makabawas sa pagnanais ng maysakit na makipagtalik. Sa isinapublikong report ng National Center for Biotechnology Information ng Estados Unidos, lumalabas na ang epekto ng Covid sa puso ay naging dahilan din ng nabawasang dugo na nakakarating sa ari ng pasyente.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Ang ginagamit ding gamot, lalo na sa mga dinadala sa ICU na pasyente, tulad ng thiazide-type diuretics at ACE inhibitors na nagkokontrol ng blood pressure ay maaari ring maging dahilan ng hindi pagdaloy ng maayos ng dugo patungo sa ari.

Ang mga pasyente ring nagkakaroon ng severe case ng Covid ay malamang na magkaroon ng problema sa kanilang nervous system, ayon naman sa American Thoracic Society. TInatamaan ang mga ugat at maaaring maging dahilan ng cerebrovascular disease, ischemic stroke at cerebral hemorrhage.

Ang mga lalaking na-i-stroke ay nagkakaroon ng problema sa erection at ejaculation. Ang mga babae namang na-stroke ay madalas na natutuyo ang ari, at hindi na makaabot sa tinatawag na rurok ng kaligayahan.

Ang isang pasyenteng nagka-Covid na nakausap ko, nagkwentong nawalan siya ng interes sa sex dahil madalas pa rin niyang nararamdaman ang pagkahapo. Sa edad daw niyang 50, dati ay nakakapag-push up pa siya ng hanggang 100. Pero ngayon, nasa 25 pa lang daw siya ay hinahabol na niya ang kanyang hininga. May mga gabi rin daw na hindi siya makatulog dahil naalala niya ang mga panahong nasa ospital siya at nagkakaroon ng mga hallucinations. Hindi raw niya alam kung kalian babalik ang kanyang gana sa pakikipagtalik lalo na at nararamdaman niyang nanghihina pa rin siya, tatlong buwan makaraang magka-Covid.

Ang problema sa libido sa panahon ng Covid ay isang usapin na kailangang talakayin ng personal sa manggagamot. Hindi puwedeng hanapan ito ng solusyon sa pamamagitan ng mga kakainin at iinuming pampagana. Kahit na ano pang inom ng mga aphrodisiacs, kung kaisipan o mental ang dahilan ng low sex drive, hindi ito mareresolba. Makipag-usap sa medical expert.

Leave A Reply

Your email address will not be published.