Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Walang hanggang pasasalamat sa lahat ng suporta

0 538

Noong nakaraang Hulyo 1 ay kasama ko ang buong pamunuan ng Maynila sa pagdiriwang ng aming unang taong anibersaryo sa City Hall, na naging lubhang kakaiba dahil ang lungsod, gaya ng iba’t-ibang bahagi ng buong mundo, ay patuloy na lumalaban sa di nakikitang kalaban, ang novel coronavirus.

Sa puntong ito ay nais kong kunin ang oportunidad upang pasalamatan ang aking napakasipag na Vice Mayor, Honey Lacuna, gayundin ang mga miyemro ng Manila City Council na kanyang pinamumunuan bilang kanilang presiding officer, para sa kanilang ‘unconditional and unwavering support’ sa lahat ng programa na aking inilinya at pinatutupad isa-isa.

Sa tuwing ang aking plano ay kailangan ng kaakibat na ordinansa, si Vice Mayor Honey at mga city councilors ay nariyan kaagad upang magsagawa ng sessions, kahit pa piyesta opisyal o alanganing oras.

Gusto ko ring iparating ang aking taos-pusong pasasalamat sa mga opisyal at kawani ng pamahalaang-lungsod na ngayon ay nagpapakita na ng kahandaan at pakikiisa para maging bahagi ng mga positibong pagbabago na inilulunsad ng ating pamunuan upang muli ay maging karapat-dapat ang Maynila sa nakagisnang taguri nito bilang ‘capital city’ ng Pilipinas.

Maraming salamat din sa mga mamamayan ng lungsod ng Maynila na, matapos akong bigyan ng isang ‘overwhelming victory’ noong nakaraang halalan, ay nariyan pa rin at patuloy na tumutulong sa pamamagitan ng pagsuporta at pakikiisa sa lahat ng programa ng aking pamamahala. Ang kanilang patuloy na pagpapakita ng pagmamahal at suporta ang siyang nagbibigay sa akin ng pangaraw-araw na lakas at inspirasyon upang higit pang pagbutihin ang aking trabaho.

Hindi ko ma-imagine kung ano ang mangyayari sa akin kung wala ang suporta ng mga taong aking nabanggit, habang isinasalang ko at ipinatutupad lahat ng aking mga plano at pangarap para sa ating minamahal na lungsod.

Masasabi ko din na ako ay tunay na mapalad dahil napapaligiran ako ng mga tao na ‘driven’ o may maalab na kagustuhang maglingkod sa publiko. May bago at luma pero lahat sila ay kapareho natin ng layunin na maging magaling sa napiling propesyon.

Ang di inaasahang pagdating ng pandemya ay naging daan upang lumabas ang kagalingan ng bawat isa sa atin. Pinangunahan ng ating mga medical frontliners ang pagpapakita ng kabayanihan sa pamamagitan ng paglalagay sa balag ng panganib hindi lamang sa kanilang buhay at kaligtasan, kundi maging ng kanilang mga mahal sa buhay upang makapagligtas lamang ng buhay ng mga taon ni hindi nila kakilala.

Kudos din sa mga opisyal at empleyado ng lungsod na, bagama’t hindi nakasama sa mga tinaguriang ‘essential,’ ay boluntaryong nag-isip ng paraan at kumilos upang maging kapaki-pakinabang sila at makatulong sa laban sa COVID-19.

Maraming salamat din sa mga barangay at police authorities at iba pang volunteers na kasama din sa mga nagsisilbi bilang frontliners.

Sa mga business establishments na tumulong sa pamamagitan ng pagbubukas ng kanilang pintuan upang may matuluyang pansamantala ang ating mga health frontliners na nangangailangan nito upang hindi naman ma-expose sa panganib ang kanilang pamilya, sila ay ating bibigyan ng P100,000 tax credit bilang maliit na pagkilala at pagpapasalamat. Alam kong ito ay maliit na bagay lamang ngunit ito ay tanda ng aming buong-puso at sinserong pagpapasalamat.

Walang katapusang pasasalamat din ang aking nais iparating sa di mabilang na donors dito at sa ibang bansa na, mula pa lamang sa umpisa ng aking administrasyon, ay walang sawa sa pagbibigay ng anumang suporta na kaya at maari nilang iparating, upang makatulong sa pagbangon ng lungsod, marahil ay sa awa na rin dahil alam nilang bangkarote ang gobyerno na aking nadatnan.

Nakakataba ng puso na maging ang mga taong hindi naman mayaman ay nagco-contribute ng kanilang pinaghirapang pera para lamang makatulong kahit paano.

Aming pinahahalagahan at ipinagpapasalamat lahat ng tulong na dumarating, ke cash o materyal na bagay, lalo na nung tayo ay nasa katindihan ng community quarantine at pagtaas ng COVID-19 cases.

Last but definitely not the least, siyempre pa, ang aking buong-pusong pasasalamat sa national government, partikular na kay President Rodrigo Roa-Duterte at kay Health Secretary Francisco Duque III, para sa kanilang all-out support sa ating pamahalaang-lungsod, lalo na pagdating sa ating mga programa at hakbangin na nauukol sa paglaban sa COVID 19.

Utang naming mga taga-Maynila sa kanila kung kaya’t kami ngayon ay mayroon nang sariling testing laboratory para sa COVID-19, habang dalawa pa ang aming itinatayo bilang karagdagan. Hindi magiging posible ang bagay na ito kung walang buong pagsuporta at tulong mula sa national government.

Sa lahat ng aking mga binanggit at pinasalamatan, nais kong ibahagi at isama sila sa lahat ng tagumpay na tinamo ng aking administrasyon at alam ko na hindi sasapat ang anumang uri ng pasasalamat.

Aking dasal na sana ay patnubayan tayong lahat ng Poong Maykapal at patuloy na paulanan ng biyaya ng magandang kalusugan, kaligayahan at isang buhay na walang problema upang patuloy din tayong makapaglingkod para sa kapakinabangan ng ating kapwa tao, lalo na ng mga taga-Maynila.

Hiling ko rin sa Panginoon na sana ay patuloy ko silang makasamang lahat sa pamahalaang-lungsod sa pagharap sa lahat ng pagsubok na ating mararanasan sa lungsod ng humigit-kumulang na dalawang milyong katao.

Kakailanganin ko ang lahat ng uri ng tulong na posible, hangga’t maari. Walang taong nabubuhay nang para lamang sa sarili. ***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first! *** Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’

Leave A Reply

Your email address will not be published.